BAGAMA’T wala pang pinapangalanan kung sino ang ipapalit kay Vice President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd), binalaan ng isang mambabatas sa Kamara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na huwag gawing pambayad pulitika ang nasabing posisyon.
Sa press conference kahapon ng Makabayan bloc, sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na napaka-importante ang nasabing ahensya kaya hindi aniya dapat ito ipagkatiwala sa politikong pinagkakautangan ng loob ni Marcos noong nakaraang eleksyon.
“Kung magtatalaga ng Secretary of Education sana naman huwag political accommodation. Baka kung sino-sino na naman ang itatalaga diyan na hindi competent, walang malalim na kaalaman sa education system,” ani Castro.
Nabakante ang nasabing pwesto nang mag-resign si VP Duterte noong Miyekoles matapos ang halos dalawang taong pamumuno sa DepEd at dahil isa ito pinakaimportanteng ahensya ng gobyerno, umaasa si Castro na agad magtatalaga ng kalihim si Marcos.
Iminungkahi naman ni Manila Rep. Joel Chua na magtatag ng search committee ang Malacanang para maghanap ng kuwalipikadong Kalihim sa nasabing departamento na humuhubog sa mga kabataan.
Kailangan naiyang totoong educators ang susunod na DepEd secretary, problem solver at may managerial at multidisciplinary at interdisciplinary experience upang maingat aniya ang kalagayan ng sektor ng edukasyon na ngayon ay lugmok na.
“They could start their search from among the public school teachers awardees of the Presidential Lingkod Bayan Award, the CSC Dangal ng Bayan Award, the Ten Outstanding Filipinos Award, TOYM Award, and the Metrobank Outstanding Teacher Award,” ani Chua.
“I suggest these distinguished educators because they taught in DepEd public schools, rose from the ranks, and have been vetted for their competence, values, and integrity,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
