LALABANAN ng mga kongresista ang mga kasinungalingang ipinakakalat ng China hinggil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) upang mapag-isa ang lahat ng Pilipino na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa nasabing karagatan.
Ginawa ng Young Guns ng Kamara ang pahayag matapos sabihin ni Foreign Ministry spokesperson ng China Lin Jian na ang arbitral ruling ng United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay “piece of waste paper” kaya ito ay “llegal, null and void at non-binding”.
“Lies about our seas divide us. We’re working to share honest information so Filipinos stand united,” ani Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi nagustuhan ang pahayag ni Lin sa ika-9 anibersaryo ng Permanent Court of Arbitration ruling noong July 12, 2016 na nagdeklara na ang 200 nautical mile mula sa dalampasigan ng Palawan ay pag-aari ng Pilipinas.
Ayon sa mambabatas, hindi maitatanggi na may mga Pilipino na ginagamit ng China para ikalat ang kanilang kasinungalingan sa usapin ng WPS kaya kailangan aniyang labanan ang mga ito sa pamamagitan ng tamang impormasyon.
Kailangan aniyang pagsikapan na pagkaisahin ang mga Pilipino dahil base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia noong Hunyo, 73% lamang sa mga Pilipino ang sumusuporta sa pagdepensa ng gobyerno sa karapatan ng bansa sa WPS.
“Disinformation weakens our fight and sows confusion among our people. We’ll keep pushing facts to strengthen our nation’s resolve, ensuring every Filipino understands the truth about our rights in the West Philippine Sea and stands proudly with us to defend our sovereignty,” ani Zambales Rep. Jay Khonghun.
Dahil dito, umapela si Leyte Rep. Martin Romualdez sa sambayanang Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa pambansang soberanya at manatiling tapat sa pagiging Pilipino — sa salita, sa gawa, at sa tungkulin sa usapin ng WPS.
“This is not just about maritime boundaries. It’s about our dignity, our future, and our duty to the next generation. The rule of law is our shield, but unity is our sword,” ani Romualdez.
Samantala, ikinatuwa naman ni ML party-list Rep. Leila de Lima ang pahayag umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na rebisahin ang sister city ties ng ilang Local Government Unit (LGUs) sa mga siyudad sa China.
Napapanahon aniya ito lalo na’t tila hindi seryoso ang China na makipagkaibigan sa Pilipinas dahil sa kanilang mga ilegal na aksyon sa WPS.
“Walang saysay ang pormal na pakikipagkaibigan kung pailalim, at minsan harap-harapan pa nga tayong pinapasok, ginagambala, at binabalewala,” ani De Lima.
(BERNARD TAGUINOD)
