MAS MATIBAY NA HOME-SCHOOL PARTNERSHIP LUSOT SA KAMARA

LUSOT na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong gawing institusyonal ang Parent-Teacher and Community Associations (PTCAs) sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Ang House Bill No. 10768, pangunahing akda ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla at inendorso ng House Committee on Welfare of Children, ay naglalayong amyendahan ang Presidential Decree No. 603 o ang Child and Youth Welfare Code.

Ayon sa mambabatas, layunin nitong bigyan ang mga PTCA ng malinaw na basehang legal at tiyak na tungkulin sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga bata.

Binigyang-diin ni Mercado-Revilla sa kanyang sponsorship speech nitong Martes, lalong naging mahalaga ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, at komunidad sa gitna ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante, aniya patunay lamang ito na hindi lamang responsibilidad ng mga guro ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

“These incidents should remind us that the safety and well-being of our children cannot be the responsibility of schools alone. Parents and communities must also be actively involved in creating an environment where our children feel safe, protected and heard,” pahayag ni Mercado-Revilla.

Sa ilalim ng nasabing panukala, lahat ng public child development centers at basic education schools ay oobligahing magbuo ng PTCA na bubuuin ng mga magulang, parent-substitutes, guro, at isang non-voting community representative. Hinikayat din ang mga pribadong paaralan na sumunod dito.

Inatasang magtalaga ang PTCA ng kinatawan mula sa mga magulang upang umupo sa Child Protection Committee ng paaralan.

Maaaring tumulong ang PTCA sa mga school-based program gaya ng literacy, health and nutrition, mental health, disaster risk reduction, at online safety kung hihilingin ng pamunuan ng paaralan.

Magkakaroon ng mga mekanismo para marinig ang boses ng mga estudyante sa pamamagitan ng student councils at youth organizations.

Nakapaloob sa probisyon na mananatiling boluntaryo ang pagiging miyembro at mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng mandatory fees o ang pagkakait ng benepisyo sa mga estudyanteng ang mga magulang ay hindi sumali o nagbigay ng kontribusyon.

Nilinaw ni Mercado-Revilla na mananatiling consultative at supportive bodies ang mga PTCA at hindi sila manghihimasok sa awtoridad ng Department of Education (DepEd) o school heads.

(TINA MENDOZA)

78

Related posts

Leave a Comment