LABOR GROUP SA DOLE: P60 WAGE HIKE IPATUPAD NA

NANAWAGAN ang isang labor organization sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agad ipatupad ang bagong umento sa sahod sa National Capital Region (NCR), kasunod ng pag-expire ng temporary restraining order (TRO) laban sa wage increase.

Sa liham kay DOLE Secretary Francis Tolentino, hinimok ng Association of Minimum Wage Earners and Advocates (AMWEA-PTGWO) ang ahensya na itulak ang pagpapatupad ng P60 dagdag-sahod sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27.

“Dahil nag-lapse na ang TRO at hindi naging effective ang preliminary injunction, effective na ang Wage Order No. 27. Dapat nang bayaran ng mga kumpanya ang P60 na umento sa minimum wage,” giit ng labor group.

Ang AMWEA-PTGWO ay kabilang sa mga pumasok bilang intervenor sa kasong Declaratory Relief na dinidinig sa Pasig Regional Trial Court Branch 152.

Nag-ugat ang kaso sa petisyong inihain ng Readycon Trading and Construction Corporation at RII-Builders, Inc. laban sa NCR Regional Tripartite Wage and Productivity Board at National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Matatandaang noong Agosto 13 ay nagpalabas si Judge Marie Joyce Manongsong ng writ of preliminary injunction upang pigilan ang implementasyon ng wage order.

Gayunpaman, nakasaad sa desisyon na kailangang maglagak ng P10-bilyong bond ang mga nagpetisyon upang maging epektibo ang injunction.

Dahil sa kabiguang makapagbigay ng naturang halaga, naghain ang Readycon at RII-Builders ng Manifestation and Omnibus Motion noong Agosto 16 upang hilingin na baguhin o ibaba ang halaga ng bond.

Samantala, tuluyan nang nag-lapse ang inisyal na TRO na ipinataw noong Agosto 4.

“Ang sabi ng Motion ng Readycon at RII-Builders, napakalaki daw ng bond na 10 bilyong piso. Nagtaka sila kung bakit ang halaga ng bond ay binatay sa region-wide impact ng injunction. Ito ay samantalang hindi naman sila nagsampa ng class suit para sa lahat ng mga employers sa NCR,” ayon sa AMWEA-PTGWO.

Dagdag pa ng grupo, na kaanib ng Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO), lumitaw umano sa sariling mosyon ng mga nagpetisyon na ang kanilang layunin ay protektahan lamang ang kani-kanilang kumpanya at hindi ang buong hanay ng mga employer o manggagawa sa rehiyon.

“Malinaw na wala nang balakid sa pagpapatupad ng first tranche na ₱60 minimum wage increase. Nawa ay kusang-loob na itong ibigay ng ating mga kumpanya sa Metro Manila. Kung hindi ay baka bahain ang DOLE at mga tanggapan nito ng mga kaso upang mabayaran nang tama ang ating mga minimum wage earners at ibang pang mga manggagawa,” babala ng organisasyon.

(TINA MENDOZA)

70

Related posts

Leave a Comment