LIPAT-PETSA SA HALIP NA POSTPONEMENT MULI SA BSKE 2026 – INTON

PINAALALAHANAN ni Atty. Ariel Inton ang mga mambabatas na nais ng nakararaming mamamayan na matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong 2026 upang makapaghalal ng mga bagong opisyal sa kanilang mga barangay.

Sa isang pahayag sa kanyang social media account, sinabi ni Inton na dapat isaalang-alang ng mga mambabatas ang kagustuhan ng publiko na magkaroon ng pagkakataong pumili ng mga bagong lider sa barangay.

Kaugnay ito ng napipintong panibagong pagkaantala sa BSKE matapos lumutang ang panukalang palawigin sa limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.

Ayon kay Inton, maaaring maging katanggap-tanggap ang pagpapaliban ng halalan sa November 2, 2026 kung ililipat lamang ito sa ibang petsa ngunit maisasagawa pa rin ngayong taon at ang limang taong termino ay ipatutupad sa mga mananalo sa 2026 elections.

Tinanong niya kung sapat bang dahilan ang November 2, na kasunod lamang ng Undas sa November 1, upang ipagpaliban ang halalan at gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.

Aniya, maaaring makaapekto sa voter turnout ang pagdaraos ng halalan kasunod ng Undas dahil maraming Pilipino ang nasa mga sementeryo upang gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Gayunman, iginiit ni Inton na kung petsa lamang ng halalan ang problema, maaari itong lutasin sa pamamagitan ng paglilipat ng election date sa ibang araw sa loob pa rin ng 2026.

“Pero kung sakaling ang magiging panukala ay November 2, 2026 ay i-move sa ibang araw pero 2026 pa rin at ang term na limang taon ay mag-apply sa mga mananalo sa 2026, magiging okay kaya ito?” ani Inton.

Ayon sa abogado, maaari pa ring magkaroon ng mga legal issue na maaaring idulog sa Korte Suprema, ngunit posibleng mabawasan ang pagtutol kung ilang araw lamang ang magiging pagitan ng orihinal at bagong petsa ng halalan.

Iginiit din ni Inton na dapat malinaw sa anomang magiging batas na ang terminong magsisimula sa mga mahahalal sa 2026 ay isasama sa pagbibilang para sa three-term limit rule.

“Sa ating mga mambabatas, malinaw ang nais ng higit na nakararami—ituloy ang halalan para panatilihin ang mga nararapat at patalsikin ang mga walang silbi at korap,” ani Inton.

66

Related posts

Leave a Comment