NAGPATUPAD ng malaking bawas-singil sa kuryente ang Primelectric Holdings Inc. (PHI) ngayong buwan ng Hunyo 2025 sa pamamagitan ng mga subsidiary nitong utility companies—ang MORE Electric and Power Corporation (MORE Power) sa Iloilo City, Negros Electric and Power Corporation (Negros Power) sa Central Negros, at Bohol Light Company, Inc. sa Bohol—na nagbigay ng ginhawa sa libu-libong kabahayan at negosyo sa rehiyon ng Visayas.
Sa Bohol, makikinabang ang mga konsyumer ng Bohol Light sa pagbaba ng ₱0.75 kada kilowatt-hour (kWh), na katumbas ng humigit-kumulang ₱150 na matitipid kada buwan para sa mga pamilyang gumagamit ng 200 kWh.
Sa Iloilo, bumaba ang residential rate ng MORE Power ng ₱0.61/kWh, kaya’t naging ₱10.52/kWh na lamang ito. Ang pagbabagong ito ay may katumbas na ₱122 na matitipid bawat buwan sa mga pamilyang may 200 kWh na konsumo.
Samantala, sa Central Negros, ibinaba ng Negros Power ang kanilang residential rate ng ₱0.55/kWh—mula ₱11.69 pababa sa ₱11.14/kWh—na nagbibigay ng halos ₱110 na buwanang tipid sa mga ordinaryong kabahayan.
Ayon sa PHI, ang kabuuang bawas-singil na ₱1.91 mula sa tatlong utility ay resulta ng pagbaba ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at ng mas mababang transmission charges.
Ipinahayag ni PHI President at CEO Roel Castro ang kanilang patuloy na hangarin na maihatid ang abot-kayang serbisyo sa kuryente. “Our goal is to pass these savings directly to consumers, helping families allocate more for essentials like food, education, and other vital needs,” ani Castro.
Dahil sa mga bawas-singil na ito, nangunguna ngayon ang mga utility ng PHI bilang may pinaka-abot-kayang kuryente sa buong rehiyon ng Visayas.
Mas mababa ang rate ng MORE Power kumpara sa mga kalapit na electric cooperative gaya ng Iloilo Electric Cooperative I (₱11.63/kWh), Iloilo Electric Cooperative II (₱11.22/kWh), Iloilo Electric Cooperative III (₱11.17/kWh), Aklan Electric Cooperative (₱12.21/kWh), Antique Electric Cooperative (₱11.95/kWh), Capiz Electric Cooperative (₱11.61/kWh), at Guimaras Electric Cooperative (₱11.90/kWh).
Samantala, nananatiling mas mababa ang singil ng Negros Power simula nang ito’y magsimula noong Nobyembre 2024, na may rate na ₱11.14/kWh ngayong Hunyo—mas mura kumpara sa Northern Negros Electric Cooperative (₱12.72/kWh), Negros Occidental Electric Cooperative (₱12.02/kWh), Negros Oriental Electric Cooperative I (₱12.18/kWh), at Negros Oriental Electric Cooperative II (₱11.71/kWh).
Ayon kay Atty. Richard Nethercott, Pangulo at CEO ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), bunga ang mga mabababang singil ng PHI ng maagap at mahusay na power sourcing.
“Utilities that manage their supply sourcing well and remain active in monitoring market trends are better positioned to offer consumers lower rates,” pahayag nito.
Damang-dama na ng mga konsyumer ang epekto ng mga bawas-singil, at ayon sa isang residente mula sa Bohol, malaki ang naitulong nito sa kanilang buwanang gastusin at pamilyang badyet.
Patuloy na namumuhunan ang PHI sa pag-upgrade ng kanilang mga pasilidad, pagbabawas ng system loss, at mas matalinong pakikilahok sa merkado upang mapanatili ang mababang singil at mataas na kalidad ng serbisyo.
