LCSP: LACANILAO DAPAT MAMAGITAN SA TIGIL-PASADA

NANAWAGAN ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kay Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na siya mismo ang mamagitan upang mapigilan ang pagpapatuloy ng tigil-pasada na nakaaapekto sa mga commuter.

Ayon sa LCSP, hindi makatarungang maapektuhan ang mga pasahero para lamang mapanatili sa puwesto ang isang opisyal.

Giit ng grupo, may iba pang paraan upang maipahayag ang suporta kay Lacanilao nang hindi naaabala ang publiko at ang mga manggagawang umaasa sa pampublikong transportasyon.

Hiniling din ng LCSP kay Lacanilao na kausapin ang mga grupong nagsasagawa ng tigil-pasada, dahil ang usapin sa kanyang pananatili sa puwesto ang pangunahing dahilan ng kanilang protesta.

Dapat umanong ipaubaya sa Pangulo ang pagpapasya kung sino ang nararapat italaga sa pamumuno ng LTO, habang maaari namang ipahayag ng mga tutol ang kanilang saloobin sa paraang hindi nakaaapekto sa mga commuter.

Naniniwala ang LCSP na may malasakit si Lacanilao sa milyun-milyong pasahero at hindi nito hahayaang sila ang magdusa dahil sa usapin ng kanyang pananatili sa puwesto.

Samantala, tiniyak ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena na itutuloy ng kanilang grupo ngayong Martes, Nobyembre 24, ang ikalawang araw ng tigil-pasada bilang protesta sa umano’y pagpapalit ng liderato ng LTO.

Ito ay matapos ang isinagawang closed-door meeting nina Valbuena, Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at Lacanilao nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 23.

Ayon kay Dizon, iginagalang niya ang karapatan ng mga grupo sa sektor ng transportasyon na ipahayag ang kanilang mga hinaing, kahit wala pang kumpirmasyon kung magkakaroon nga ng pagbabago sa pamunuan ng LTO.

Kabilang din sa mga tinalakay sa pulong ang mga kinakailangang reporma sa sektor ng transportasyon, gaya ng pagtitiyak na sapat ang bilang ng mga pampublikong sasakyan para sa mga commuter at pagpapabilis sa renewal ng provisional authority.

Tinalakay rin umano ang reklamo ni Valbuena hinggil sa ilang hindi pinangalanang dating tauhan ng LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tumawag umano sa kanya at nagpahayag na babalik sila sa kanilang mga dating puwesto.

(JULIET PACOT)

31

Related posts

Leave a Comment