IPINANUKALA ni Atty. Ariel Inton, president and founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, na paigtingin ang pagpapatupad ng one-side parking sa mga barangay habang wala pang mas epektibong solusyon sa lumalalang problema sa paradahan.
Ayon kay Inton, dahil sa kakulangan ng parking space, napipilitang iparada ng maraming car owner ang kanilang sasakyan sa kalsada. May mga may-ari umano ng sasakyan na walang garahe, habang ang iba naman ay may garahe ngunit hindi sapat ang laki upang magkasya ang lahat ng kanilang sasakyan.
Binanggit din niya na bagama’t mandatory ang pagkakaroon ng proof of garage para sa mga operator ng public transport, marami pa ring sasakyan ang nakikitang nakaparada sa kalsada pagsapit ng gabi.
Mayroon ding mga nagpaparada sa bangketa o sidewalk, lalo na sa mga lugar na malapad ang daanan.
Sinabi ni Inton na maaaring maging pansamantalang solusyon ang one-side parking sa maraming barangay. Sa ilang lugar, may iskedyul kung aling bahagi ng kalsada ang maaaring paradahan sa bawat araw, ngunit hindi na umano ito mahigpit na naipatutupad.
Nagdudulot din ito ng hindi pagkakaunawaan sa mga magkakapitbahay dahil may ilang residente na itinuturing na eksklusibong parking space ang bahagi ng kalsada sa tapat ng kanilang bahay, kahit hindi naman nila pag-aari ang naturang lugar.
Kabilang din sa mga karaniwang problema ang pagbara sa mga driveway at paniningil ng ilang barangay para sa parking sa pampublikong kalsada.
Ipinaliwanag ni Inton na hindi naman talaga dapat gawing garahe o permanenteng parking space ang mga kalsada, ngunit dahil sa kakulangan ng paradahan, nagiging pansamantalang remedyo ang one-side parking.
Gayunman, problema rin ang pagpapatupad nito sa mga kalsadang magkabilang panig ay may mga bahay at sasakyan. Bukod sa limitadong espasyo, kailangan ding igalang ang mga driveway na hindi dapat harangan.
Kuwestiyonable rin umano ang pagpapatupad ng first come, first served policy dahil may mga residente na naglalagay ng mga upuan, paso at iba pang bagay sa kalsada upang ireserba ang parking space kahit wala pa ang kanilang sasakyan.
Bagama’t ilang panukalang batas na ang inihain sa Kongreso na naglalayong obligahin ang mga bibili ng sasakyan na magkaroon muna ng proof of parking, wala pa umanong umuusad upang maging ganap na batas ang mga ito.
Samantala, iba rin ang sitwasyon sa mga subdivision kung saan may mga residenteng maraming sasakyan na hindi na magkasya sa kanilang garahe. Dahil dito, may ilang homeowners association na nagpapatupad ng sariling mga patakaran sa paradahan.
(PAOLO SANTOS)
37 