MANIBELA TULOY SA IKALAWANG ARAW NG TIGIL-PASADA

ITUTULOY ng grupong MANIBELA ngayong Martes, Nobyembre 24, ang ikalawang araw ng kanilang tigil-pasada bilang protesta sa umano’y pagpapalit ng liderato ng Land Transportation Office (LTO).

Kinumpirma ito ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena matapos ang isinagawang closed-door meeting kasama sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao nitong Lunes, Nobyembre 23.

Ayon kay Dizon, iginagalang niya ang karapatan ng mga grupo sa sektor ng transportasyon na ipahayag ang kanilang mga hinaing kahit wala pang kumpirmasyon kung magkakaroon ng pagbabago sa pamunuan ng LTO.

Samantala, mahigit 6,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ipinakalat sa Metro Manila upang tiyakin ang seguridad at tumulong sa mga commuter na maaapektuhan ng dalawang araw na tigil-pasada.

Bilang bahagi ng paghahanda, inilunsad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Libreng Sakay program gamit ang mga police bus, truck at van sa Baclaran, Paco at Nagtahan sa Maynila, Caruncho Avenue sa Pasig City at South Caloocan.

Naglagay rin ng mga police assistance team sa mga estratehikong lugar upang umalalay sa mga commuter.

Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang makatulong sa pamamahala ng daloy ng trapiko.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., nauunawaan ng pulisya ang hinaing ng mga transport worker at iginagalang ang kanilang karapatang magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng mapayapang protesta.

Kasabay nito, binigyang-diin niya ang tungkulin ng PNP na tiyaking makararating nang ligtas sa kanilang mga destinasyon ang mga commuter.

Hinimok naman ng pambansang pulisya ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, subaybayan ang mga opisyal na abiso ng mga kinauukulang ahensya at lumapit sa mga nakatalagang police assistance desk kung mangangailangan ng tulong.

(JESSE RUIZ)

29

Related posts

Leave a Comment