LEACHON KINUWESTYON SA KORTE SUPREMA LEGALIDAD NG ZERO SUBSIDY SA PHILHEALTH

KINUWESTYON ni Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon sa Korte Suprema ang legalidad ng pagtanggal ng subsidy para sa PhilHealth sa GAA 2025 national budget.

Nagsampa siya ng petition for certiorari and prohibition kaugnay sa pag-aalis ng naturang subsidiya sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).

Nakasaad sa kanyang petisyon ang probisyon sa Republic Act No. (RA) 10351, na naglalaan ng 80% ng kita mula sa Sin Tax para sa Universal Health Care, at ang RA 11223, na nag-aatas ng premium subsidy para sa mga di-tuwirang kontribyutor ng PhilHealth sa ilalim ng GAA.

“‘Pag hindi na-realize yung Universal Health Care, hindi natin matutupad yung free health para sa bawat Pilipino, na dapat sa ngayon, nung pinirmahan ang Sin Tax Law nung panahon ni President (Benigno) Aquino (III), ang gusto natin mapondohan ang PhilHealth. Kaya nga tinaasan natin ang tobacco at alcohol, at ang pondo niyan pupunta yan para sa PhilHealth,” giit pa ni Leachon.

Magugunitang ipinagkait ng Bicameral Conference Committee ang pondo ng PhilHealth dahil sa tinatayang P600 bilyong reserbang pondo nito mula sa surplus at reserve funds.

Naniniwala si Leachon na ang pagtanggal ng subsidiya ay parusang disiplinahin ang PhilHealth sa ilalim ng dating pamunuan ni Emmanuel Ledesma, Jr. Noong Pebrero 4, 2025, pinalitan siya ni Dr. Edwin Mercado, Jr. bilang PhilHealth President at CEO. (JULIET PACOT)

60

Related posts

Leave a Comment