Si Helen, isang masugid na boluntaryong empleyado ng Meralco, habang nag-eenjoy sa paglalakad kasama ang isa sa minamahal na pusang residente ng Meralco, si Menggay.
Habang palawak nang palawak ang kamalayan sa pangangalaga sa kalikasan, etikal na pagpapatakbo ng negosyo, at pagiging responsableng korporasyon, patuloy na gumagawa ng makabuluhang hakbang ang iba’t ibang kumpanya para suportahan ang iba’t-ibang adbokasiya na makakabuti sa lipunan.
Isa sa mga adbokasiyang isinusulong ng Manila Electric Company (Meralco), isa sa pinakamalalaking korporasyon sa bansa na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, ang pagpapatupad ng mga programang nakatutok sa kapakanan ng mga hayop, partikular na ang mga pusa sa komunidad o mga community cat. Bahagi ng adhikain ng kumpanya ang pagpapamalas ng kultura ng malasakit sa loob at labas ng kumpanya sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga empleyado at iba pang grupong naglalayong isulong ang responsableng pag-aalaga sa mga hayop.
Ayon sa mga pag-aaral, mas mataas ang posibilidad na suportahan ng mga konsyumer ang mga negosyo na kaayon ang kanilang mga pinahahalagahan, kabilang na ang kapakanan at etikal na pagtrato sa mga hayop.
Bilang isang kumpanyang naghahatid ng kuryente sa mga kabahayan at negosyo, batid ng Meralco na ang isang simpleng inisyatiba ay maaaring makatulong para maka-impluwensya at magkaroon ng malawakang epekto sa ikabubuti ng mga hayop na minsan, nagiging biktima pa ng pang-aabuso ng mga tao.
Sinimulan na ito ng Meralco sa pamamagitan ng pagkalinga sa mga tinatawag na mga community cat – o ang mga pusang naninirahan na sa loob ng compound ng kumpanya. Dahil ito sa lumalaking populasyon ng mga community cat, kung saan tinatayang may humigit-kumulang 80 pusa ang itinuring nang tahanan ang Meralco. Itinuturing na ng mga empleyado ang mga pusang ito bilang mahalagang bahagi ng komunidad. Kaya ang mga empleyado na mismo ang boluntaryong nagpapakain at nag-aalaga sa mga ito. Sa kabila nito, mayroon ding alalahanin tungkol sa pagdami ng populasyon ng mga community cat dahil sa kanilang mabilis na pagdami.
Ayon sa Humane Society of the United States, maaring magkaroon ng isang kolonya ng hanggang 30 na pusa sa loob ng isang taon ang babaeng pusa na hindi pa naipapa-kapon at ang kanyang mga supling. Dagdag pa rito, noong 2022, idineklara na bilang krisis ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) ang isyu ng kawalan ng tirahan ng mga hayop sa bansa.
Kasalukuyang may 12 milyong ligaw na pusa at aso sa bansa, at pumapang-anim ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa bilang ng mga kaso ng rabies, ayon naman sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS).
Dahil sa malaking bilang ng mga pusang nasa pangangalaga nito, pinalawak ng Meralco ang pagkalinga sa mga ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng isang adbokasiyang nakatuon sa kapakanan ng mga hayop at kaligtasan ng publiko, sa pamamagitan ng programang CATropa.
Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng spay at neuter (kapon), nakakatulong ang programa ng Meralco sa pag-kontrol ng populasyon ng mga pusa. Hindi lamang ito nagpapabuti sa kanilang kalagayan, kundi nag-aambag din sa pampublikong kalusugan dahil makakatulong din ito sa pagbabawas ng panganib ng rabies.
Nakaayon din ito sa core value ng Meralco na malasakit na ipinapamalas nito hindi lamang sa mga tao, kundi maging sa mga hayop; at hindi lang sa loob ng kumpanya, kundi maging sa mga komunidad na kinabibilangan nito.
Si Sinta at ang kanyang tatlong kuting, mga mahalagang bahagi ng pamilyang CATropa ng Meralco.
Pagtutulungan sa mga programa
Kagaya ng kasabihang “it takes a village to raise a child,” pinatutunayan ng programa ng Meralco para sa kapakanan ng mga hayop na kinakailangan ng sama-samang pagsisikap upang mapangalagaan ng tama at responsible ang mga hayop. Pinagbubuklod nito ang mga employee volunteers, mga organisasyon na nagtataguyod ng kapakanan ng hayop, at mga lokal na komunidad para magkaroon ng pangmatagalang programang makakabuti sa mga hayop.
Patuloy rin ang pagsuporta nito sa pagpapakapon ng mga community cat upang matugunan ang problema ng labis na populasyon at mapabuti ang kanilang kalusugan at kagalingan. Kasalukuyang ipinatutupad ng Meralco ang Trap-Neuter-Vaccinate-Release (TNVR) program sa loob ng kanilang pasilidad sa tulong ng Biyaya Animal Care.
Ang unang TNVR ng Meralco, sa pakikipagtulungan ng Biyaya Animal Care, para sa isang mas ligtas at mas malusog na komunidad ng mga pusa.
Kilala ang TNVR bilang pinakamakatao at epektibong paraan sa pagpapanatili ng balanseng populasyon ng mga community cat habang pinapabuti ang kanilang kalusugan at pangkalahatang kapakanan. Planong palawakin ng Meralco ang inisyatibang ito sa iba’t ibang tanggapan sa loob ng kanilang franchise area. Sa pamamagitan nito, mas maraming pusa ang mapapangalagaan, at mas maraming komunidad ang mahihikayat na makiisa sa responsableng pangangalaga sa mga hayop.
Spay It Forward Campaign
Bukod sa pagsiguradong ang mga pasilidad ng Meralco ay maging isang “safe space” para sa mga community cat, nais ng kumpanya na palawakin pa ito para mas maraming makinabang.
Nakikipagtulungan ang kumpanya sa mga organisasyong may parehong adhikain at sa mga lokal na pamahalaan (LGU) sa pamamagitan ng kanilang mga City Veterinary Office para maisulong pa ang pagpapakapon.
Sa pakikipagtulungan ng Meralco sa LGU ng Pateros at animal welfare groups, matagumpay na naisagawa ang Spay It Forward campaign, kung saan mahigit 120 aso at pusa ang nakapon.
Noong nakaraang taon, matagumpay na isinagawa ng Meralco ang kampanyang “Spay It Forward” sa Pateros—ang nag-iisang munisipalidad sa Metro Manila na walang sariling veterinary office—kung saan mahigit 120 aso at pusa ang nabigyan ng libreng kapon at bakuna laban sa rabies.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng local na pamahalaan ng Pateros, Philippine Veterinary Medical Association (PVMA), at Biyaya Animal Care.
Si Joe R. Zaldarriaga (kaliwa), Vice President and Head ng Corporate Communications ng Meralco, habang nakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng komunidad sa kampanyang Spay It Forward, bilang suporta sa responsableng pag-aalaga ng alagang hayop at kapakanan ng mga hayop.
Mga kasama sa adbokasiya
Kamakailan lamang, pinarangalan ng PAWS ang Meralco ng prestihiyosong Platinum Paw Award bilang pagkilala sa natatanging dedikasyon nito sa kapakanan ng mga hayop. Ang parangal na ito ang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay ng PAWS at iginagawad sa mga indibidwal at organisasyong nagpakita ng walang kapantay na suporta at ambag sa mga adhikain para sa kapakanan ng mga hayop.
Kinilala din ang Meralco sa dalawang dekadang pagtutulungan sa pagitan ng Meralco at PAWS. Mula noong 2001, naging pangunahing taga-suporta ang Meralco sa pamamagitan ng libreng paggamit ng pag-aaring lupa para sa PAWS Animal Shelter sa lungsod ng Quezon at pagiging pinakamalaking donor ng organisasyon. Dahil dito, malaki ang papel na ginampanan ng Meralco sa pagbibigay ng masisilungan sa mga nailigtas na hayop at sa pagsuporta sa abot-kayang spay-neuter (kapon) clinic ng PAWS.
Kabilang ang Meralco sa hanay ng mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng hayop at patuloy na naghahanap ng mga katuwang na organisasyon at indibidwal upang lumikha ng isang hinaharap kung saan sabay na uunlad ang mga tao at mga hayop. Sa diwa ng pagkakaisa, pinatutunayan ng mga pagsisikap ng Meralco na tunay ngang kailangan ng isang buong komunidad upang makagawa ng makabuluhang pagbabago.
Makikita sa larawan (mula kaliwa hanggang kanan) sina Joe R. Zaldarriaga, vice president and head ng Corporate Communications ng Meralco; Michelle Caguioa, Animal Welfare Program manager and head ng Advocacy Communications Management; Ronnie L. Aperocho, executive vice president and chief operating officer; at Jerry B. Lao, vice president and head ng Facilities and Safety Management.
Patuloy ring sinusuportahan ng Meralco ang mga adhikain ng PAWS, kabilang ang kanilang kamakailang fundraising event bilang pagdiriwang ng Valentine’s Month.
Nagbigay ng pagkakataon ang anim na araw na aktibidad na tinawag na “Furst Date” para makapaglaan ng oras ang mga volunteer kasama ang mga aso at pusang nasagip at kasalukuyang nasa pangangalaga ng PAWS. Inilaan ang mga nalikom na pondo para sa mga pangangalaga ng mga nasabing hayop.
Si Joe R. Zaldarriaga, vice president and head ng Corporate Communications ng Meralco, kasama si Atty. Anna Cabrera, Executive Director ng PAWS, sa fundraising event ng PAWS na tinawag na “Furst Date.”
Para sa mga CATropa
Isa sa mga pinaka-inaabangang inisyatiba ng Meralco ang pagtatayo ng isang tahanan para sa community cats—isang bukas na catio na idinisenyo para magbigay ng ligtas at maayos na tirahan para sa mga community cat sa loob ng Meralco compound.
Kasalukuyang ginagawa ang proyekto sa pangunguna ng Facilities and Safety Management team ng kumpanya, na tinitiyak na bawat detalye ay maingat na pinaplano upang masiguro ang kaginhawahan at seguridad ng mga pusa.
Higit pa sa pagiging isang simpleng silungan, isinasabuhay ng inisyatibang ito ang matibay na pagpapahalaga ng Meralco sa malasakit—isang patunay na ang malasakit ay hindi lamang ipinapakita sa kapwa empleyado, mga kustomer, at komunidad, kundi pati na rin sa mga hayop na bahagi ng ating kapaligiran.
Si Jerry B. Lao, Pinuno ng Facilities and Safety Management, kasama ang kanyang team, habang nagpaplano ng catio—isang ligtas na kanlungan para sa mga community cats ng Meralco.
Bilang bahagi ng pangako ng Meralco sa kapakanan ng mga hayop, aktibong isinusulong ng kumpanya ang edukasyon at kamalayan ukol sa kahalagahan nito. Isang pangunahing pokus ng adbokasiyang ito ay ang pagsusulong ng makataong solusyon sa problema ng sobrang populasyon ng pusa, habang hinihikayat din ang responsableng pag-aalaga ng alagang hayop sa komunidad.
Upang higit pang makiisa at magbigay impormasyon sa publiko, inilunsad ng Meralco ang CATropa Facebook page, isang komunidad sa social media na nagsisilbing plataporma para sa mga update, nilalaman pang-edukasyon, at mga kwento ng tagumpay kaugnay ng mga inisyatiba ng kumpanya sa kapakanan ng mga hayop.
Dagdag pa rito, nagpaplano ang Meralco na magsagawa ng mga training sessions at seminar tungkol sa kapakanan ng mga hayop para sa kanilang mga empleyado, upang magtaguyod ng isang kultura ng malasakit at responsibilidad sa loob ng organisasyon at pati na rin sa labas nito.
