IPINAG-UTOS ni Interior Secretary Eduardo Año sa lahat ng local government units (LGUs) na magbuo ng sarili nitong “anti-coronavirus disease-2019 task force” (Anti-COVID-19 TF) upang direktang kumilos ang mga gobernador, alkalde at punong barangay laban sa virus pagkatapos ng “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Mayo 15.
Tinukoy rin ng pinuno ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Memorandum Circular No. 2020-077 (MC 2020-077) na inilabas niya nitong Abril 24 na tiyakin ng mga opisyal na ang gagawin ng kanilang Anti-COVID-19 TF ay “align … with the national strategy framework” ng pambansang pamahalaan.
Ang mga task force ay inaasahang kikilos sa panahong umiiral ang “general community quarantine” (GCQ) sa bansa, kabilang na ang National Capital Region (NCR) na hanggang Mayo 15 na lamang ang ECQ.
Ang pangunahing punto ng MC-2020-077 ay ang mahigpit na pagpapatupad ng apat na hakbang laban sa COVID-19 (contact tracing, isolation, testing at reintegration o referral) alinsunod sa atas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Binanggit din sa memorandum ni Año na ang Anti-COVID-19 TF ay kinakailangang binubuo ng mga kinatawan ng “DILG o city/municipal government operations office (C/MGOO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), provincial/city/municipality disaster risk reduction and management office (P/C/MMDRRMO), municipal health office (MHO), barangay health workers (BHWs), barangay health emergency response teams (BHERTs), barangay public safety office (BPSO), regional/local epidemiology surveillance unit (RESU/LESU).”
Idiniin ni Año na sa pamamagitan ng Anti-COVID-19 TF ay obligadong regular na mag- ulat sa DILG ang lahat ng LGUs hinggil sa kalagayan ng COVID-19 sa kani-kanilang nasasakupan.
Kinakailangan ding mahigpit na nakikipag-ugnayan ang task force laban sa COVID-19 sa Department of Health (DOH), nakasaad pa sa MC-2020-077. NELSON S. BADILLA
207 