LIBU-LIBONG Batangueño ang nagtipon sa bayan ng Bauan para sa Prayer Rally para sa Mapayapang Batangas, na naglalayong itaguyod ang pagkakaisa, pananampalataya, at kapayapaan bago ang darating na halalan.
Nagsimula ang programa sa isang ‘Walk for Peace’, 12:30 ng tanghali, simula sa Bauan Technical High School na nagtapos sa Plaza Orense.
Sumisimbolo ang ‘Walk for Peace’ sa sama-samang adhikain ng mga Batangueño para sa isang mapayapa at maayos na halalan. Lumahok sa kaganapan ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga pinuno ng relihiyon, opisyal ng gobyerno, komunidad ng LGBTQ, at mga residente ng Bauan, upang ipagdasal ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Dumalo rin sina Vice Mayor Jay Manalo Ilagan, kandidato sa pagka-gobernador; Congressman Rodante Marcoleta, senatorial candidate; dating congressman Raneo Abu; at mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa Ikalawang Distrito ng Batangas at Bayan ng Bauan.
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa halip na hidwaan at pagkakahati-hati sa pulitika.
“Ang isinisigaw natin, patuloy na kapayapaan. Ang isinisigaw natin, pagkakaisa. Narito kami. Inihahain ang buhay para sa pagkakaisa, para sa kapayapaan ng ating bayan, ng ating distrito, ng ating lalawigan at ng ating bansa,” pahayag ni dating congressman Raneo Abu.
Iginiit din ni Batangas gubernatorial candidate Ilagan ang kanyang pangako sa mamamayan ng Batangas: “Ako ang sandigan ninyo para sa kinabukasan. Ipaglalaban ko kayong lahat. Ipaglalaban ko ang buong mamamayang Batangueño. Iisa ang ating direksyon, iisa ang ating pupuntahan, isang ‘World Class Batangas.”
“Para sa akin, kapag mali talagang mali. Hindi ako kailanman sasama sa isang bagay na mali,” babala ni Cong. Marcoleta ang mga botante. “Huwag ninyong ipagbili ang kinabukasan ng ating bansa,” dagdag pa ni Marcoleta.
Ayon sa United Batangas for Peace, ang organizer ng prayer rally, na hindi lamang tungkol sa halalan ang kaganapan kundi isang hakbang din tungo sa pagpapanatili ng kultura ng kapayapaan sa Batangas. Habang papalapit ang halalan, nagsisilbing paalala ang pagtitipon na ito na ang tunay na serbisyo publiko dapat mag-ugat sa integridad, paggalang, at kapayapaan.
