NAGPAABOT ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Filipina tennis star Alex Eala matapos nitong masungkit ang kampeonato sa 2026 Mubadala DC Open at maitala ang kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipinang nagwagi ng Women’s Tennis Association (WTA) 500 singles title.
Sa Facebook post ng Pangulo, tinawag niya ang tagumpay ni Eala bilang isa na namang makasaysayang tagumpay para sa Philippine tennis.
“This Philippines now has its first WTA 500 champion.”
“Congratulations on yet another historic achievement. You continue to redefine what is possible for Philippine tennis and inspire countless young Filipinos to dream without limits,” ani Pangulong Marcos.
Nabawi ni Eala ang kabiguan noong nakaraang taon matapos talunin si World No. 3 at top seed na si Jessica Pegula, 4-6, 6-4, 6-0, sa finals ng 2026 Mubadala DC Open sa Washington, D.C.
Halos isang araw na naantala ang laban dahil sa pag-ulan bago ito ipinagpatuloy.
Pagbati ng Kamara
Binati rin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Eala at sinabing bunga ng maraming taon ng sakripisyo ang makasaysayang tagumpay nito.
Ayon kay Dy, ang panalo ni Eala ay isang mahalagang milestone hindi lamang para sa Philippine tennis kundi para sa buong bansa.
Nagpaabot din ng pagbati si Lanao del Sur Rep. at House Prosecution Panel Spokesperson Zia Alonto Adiong, na nagsabing inspirasyon ang determinasyon at husay ni Eala sa milyun-milyong Pilipino.
Reso Inihain sa Senado
Naghain naman ng magkakahiwalay na resolusyon ang ilang senador upang kilalanin ang makasaysayang tagumpay ni Eala.
Sa Senate Resolution No. 554, sinabi ni Senador Joel Villanueva na isa ito sa pinakamalalaking tagumpay sa kasaysayan ng Philippine sports.
Sa magkakahiwalay na resolusyon, nagpahayag din ng pagkilala sina Senador JV Ejercito, Bam Aquino, Erwin Tulfo, Mark Villar, at Christopher “Bong” Go, na pawang nagbigay-diin sa inspirasyong hatid ng tagumpay ni Eala at sa pangangailangang higit pang suportahan ang sports development sa bansa.
Nanawagan din si Senador Kiko Pangilinan ng mas malawak na suporta ng pamahalaan sa sports, partikular sa grassroots development, modernong pasilidad, scholarship, sports vouchers, at iba pang programa para sa mga atleta.
Samantala, bago magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nagpahatid din ng pagbati si Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero.
(CHRISTIAN DALE/TINA MENDOZA/DANG SAMSON-GARCIA)
55 