MALACAÑANG: ‘DI PANAHON NG SIRAAN SA GITNA NG ENERGY CRISIS

NANAWAGAN ang Malacañang ng pagkakaisa at pag-unawa sa gitna ng kinahaharap na hamon sa enerhiya, at iginiit na hindi ito panahon ng siraan at pamumulitika.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang magtulungan ang lahat at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.

“Ang kailangan lang natin ay magkaroon ng pag-unawa… lahat tayo ay magtutulungan. Iwasan na ng iba na manira at magbigay ng fake news dahil hindi ito panahon ng pamumulitika,” ani Castro.

Sinabi rin niya na binabalanse ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa publiko, kabilang ang diskwento sa pamasahe sa MRT at LRT, libreng sakay, at ayuda sa transport sector na unang naapektuhan ng krisis.

“Nauna lang talagang bigyan ang nasa transport sector dahil sila ang unang tinamaan… pero binabalanse ang tulong sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inilahad ang mga hakbang ng gobyerno laban sa epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang repatriation ng mahigit 2,000 overseas Filipino workers, tulong pinansyal sa drivers at operators, diskwento sa toll at airfare, murang bigas, at dagdag na Kadiwa outlets.

Nagbigay rin ng fuel at fertilizer subsidy sa mga magsasaka at mangingisda, libreng bigas sa LGUs, at nagdeklara ng national energy emergency upang mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan.

(CHRISTIAN DALE)

74

Related posts

Leave a Comment