TIWALA ang Malakanyang na maaabot ng gobyerno ang tinatawag na herd immunity sa gitna ng target na makapagbakuna ng hanggang 60 milyong mga Pilipino.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque kasunod ng naging pahayag ni Dr. Tony Leachon na para maabot ang herd immunity ay kailangang 60 hanggang 70 porsiyento ng populasyon ng bansa ay mabakunahan sa isang bagsakan o maramihang pagbabakuna.
Batay na rin aniya kay vaccine czar Carlito Galvez, sinabi ni Roque na sapat na ang 50 million vaccination na target ng gobyerno para sa herd immunity.
Bukod dito, sinabi ni Sec. Roque na inaasahan nilang marami ring mga private pharmaceutical ang magkakaroon ng pribadong immunization na hindi naman aniya tututulan ng pamahalaan basta ma-approve lang ng FDA.
Ang Herd immunity ay mangyayari kapag mayorya sa isang komunidad ay immune na sa isang infectious disease na makapagpapahinto sa pagkalat pa ng virus.
Ito ay sa pamamagitan ng natural immunity na nakapitan na ng virus at ang isa’y sa pamamagitan naman ng pagbabakuna. (CHRISTIAN DALE)
152 