UMAAPELA si Senador Imee Marcos sa mga health facilities, gaya ng diagnostic centers at hospitals na sundin ang wastong disposal protocols ng mga medical waste na ginagamit sa paglaban sa COVID-19.
Ginawa ni Marcos ang apela matapos magpositibo ang walong kabataang naglaro sa tabing dagat ng Virac, Catanduanes, kung saan iligal na itinapon ang mga nagamit nang hiringgilya o syringe, face masks, antigen test kits, lagayan ng dugo at ihi, at PPEs.
Sa report ng Municipal Environment and Natural Resources, nakitaan ng maraming paglabag sa batas ang isang diagnostic center na iligal na nagtapon ng hazardous wastes sa baybayin ng Barangay Concepcion, Virac, Catanduanes.
Sa Republic Act Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, inaatasan ang mga Barangay at LGUs sa wastong pagkolekta, recycling at pagtatapon ng mga basura, lalo na ang mga nakalalason at hazardous medical wastes.
Ang sinumang lumabag dito, ayon kay Marcos ay maaaring makasuhan at mapatawan ng mabigat na parusa depende sa pagkakasala..
“Any person who violates Sec. 48, pars. (14), (15) and (16) shall, upon conviction, be punished with a fine not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than One million pesos (P1,000,000.00), or imprisonment not less than one (1) year but not more than six (6) years, or both,” babala ni Marcos.
Binalaan ni Marcos ang publiko, lalo ang mga kabataan na wag pulutin o paglaruan ang mga medical waste upang hindi sila mahawa ng virus.
Giit pa ni Marcos na mas makabubuti anyang ipaalam sa mga otoridad ang iligal na pagtatapon ng mga delikadong basura dahil mapanganib ito sa kalusugan at kapaligiran.
Tinukoy ni Marcos na may 1,000 toneladang medical wastes ang nahahakot ng DENR kada araw mula sa iba’t-ibang laboratoryo o diagnostic centers at hospitals.
Sa WHO Global analysis of health care waste ng COVID-19, tinatayang nasa 87,000 tonnes ng personal protective equipment (PPE) ang naproduce at naibenta sa buong mundo mula March 2020 hanggang November 2021. (DANG SAMSON-GARCIA)
485
