MANILA NAGBUKAS NG DEDICATED MUSLIM PRAYER ROOMS SA SM MANILA AT SAN LAZARO

MANILA — Binuksan na ng Manila City Government ang dedicated Muslim prayer rooms sa SM City Manila at SM City San Lazaro, bilang bahagi ng hakbang ng lungsod na matiyak ang pagkakaroon ng accessible na lugar para sa pagdarasal ng Muslim community.

Bago ang opisyal na pagbubukas, nagsagawa ng final walkthrough si Vice Mayor Chi Atienza sa bagong tayong prayer room sa SM City Manila noong Setyembre 15.

Kinumpirma rin ni Atienza ang sabay na pagbubukas ng kaparehong pasilidad sa SM City San Lazaro upang matiyak na handa ang mga ito para sa paggamit ng komunidad.

Ayon kay Atienza, bahagi ang mga prayer room ng commitment ng administrasyon ni Mayor Isko Moreno sa religious inclusivity at pagbibigay ng mga pasilidad na tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente.

“Simula pa noong umpisa, talagang importante sa amin ni Yorme Isko Moreno Domagoso ang aming mga kapatid na Muslim,” ani Atienza sa kanyang inspeksyon.

Binanggit din niya ang inisyatiba ni Moreno na magtayo ng Muslim cemetery sa Maynila bilang bahagi ng mga hakbang ng lungsod para sa Muslim community.

Ipinaliwanag ni Atienza na ang mga prayer room ay katuparan ng pangako ng lokal na pamahalaan na magkaroon ang mga Muslim ng disenteng lugar para sa kanilang pang-araw-araw na pagdarasal habang nasa mga pampublikong lugar sa lungsod.

“Sa administrasyon na ito, isang bagay na pinangako namin ni Yorme ay mabigyan sila ng mga prayer rooms para sa ganon, pag sila ay umiikot sa mga pampublikong lugar dito sa Maynila, makakapagdasal sila nang taimtim,” ani Atienza.

Nagsimula ang proyekto noong Setyembre 2025 sa pamamagitan ng site inspections na isinagawa ng pamahalaang lungsod at SM Supermalls.

Hiniling din ng lungsod sa pamunuan ng SM na palawakin ang orihinal na sukat ng prayer rooms upang higit na maging komportable ang mga gagamit nito. Nadoble ang laki ng mga espasyo bago matapos ang konstruksyon.

Matatagpuan ang prayer room sa 5th Floor ng SM City Manila at sa Upper Ground Floor ng SM City San Lazaro. May hiwalay na prayer spaces para sa kalalakihan at kababaihan, gayundin ang dedicated ablution areas para sa paghuhugas ng kamay at paa bilang bahagi ng paghahanda sa pagdarasal.

Ang mga prayer space ay nakaharap din sa Mecca, alinsunod sa pangangailangan ng Muslim prayer.

“Dito po sa Maynila, talagang tinatayuan namin ang aming sinabi simula pa lang ng umpisa na inklusibong-inklusibo ang gobyerno,” ani Atienza.

Nagpasalamat din siya sa SM Supermalls sa pakikipagtulungan sa lungsod para sa pagtatayo ng mga pasilidad.

(JOCELYN DOMENDEN)

57

Related posts

Leave a Comment