ISYU SA ASYLUM NI ROQUE BAHALA NA DILG – MALAKANYANG

IPINAUBAYA ng Malakanyang kay Interior Secretary Jonvic Remulla ang pagsagot sa naging pagtutol ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa napaulat na pagbasura sa kanyang asylum application sa Austria.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, si Remulla ang dapat magpaliwanag sa usapin dahil ito ang naglabas ng impormasyon hinggil sa asylum application ni Roque.

“Kung si Sec. Jonvic po ang nagbalita nito, hayaan po natin si Secretary Jonvic ang sumagot patungkol dito sa inaakusa ni Harry Roque,” ani Castro.

Dagdag niya, kung may iba pang legal na hakbang na isasagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi ito kinakailangang ipaalam agad sa publiko.

“Definitely mayroon tayong kasabihan na ‘do not telegraph your punches,'” ani Castro.

Nauna rito, sinabi ni Roque na walang patakaran na awtomatikong itinuturing na denied ang asylum application kapag lumampas na ng anim na buwan nang walang desisyon.

Iginiit ni Roque na nakabinbin pa sa Austrian authorities ang kanyang aplikasyon at hinihintay niya ang pinal na desisyon.

Samantala, sinabi ni Castro na dapat maging matapang ang sinumang Pilipinong may kinakaharap na kaso at harapin ang mga paratang laban sa kanya.

Nilinaw ni Castro na hindi lamang si Roque ang tinutukoy niya kundi ang sinumang indibidwal na may kinakaharap na kaso.

“Kung mayroon mang kinakaharap na usapin at alam niya sa sarili niya na siya ay malinis at walang bahid ng anumang pagkakamali, dapat na maging matapang na harapin kung anuman ang nagiging usapin patungkol sa kanya,” ani Castro.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat gamitin ang impluwensiya o suporta ng ibang tao upang makaiwas sa mga paratang, bagkus ay ilabas ang sariling ebidensiya upang mapatunayan ang panig at malinis ang pangalan.

(CHRISTIAN DALE)

67

Related posts

Leave a Comment