PANGANGAMPANYA NG MGA POLITIKO NALIMITAHAN NG COVID

KUNG hindi dahil sa COVID-19 na hindi pinigilan ng China na kumalat sa buong mundo, malamang kabi-kabila na ang pangangampanya ng mga politikong tatakbo sa susunod na eleksyon.

Bago sumabog ang ­COVID-19, pagtuntong ng ganitong mga panahon ay kabi-kabila na ang pangangampanya ng mga politiko. Nandyan yung magpapatawag ng pulong sa bawat barangay ang mga local officials para magparamdam.

Bawat barangay pinupuntahan na ni Mayor lalo na sa mga probinsya na hindi niya ginagawa kapag nanalo na siya. Saka lang sila magpaparamdam isang taon bago ang eleksyon.

Kaya kunwari 50 ang barangay ng isang siyudad o munisipalidad, kulang ang isang taon para ikutin ito kaya linggo-linggo ay dapat may isang barangay siyang mapuntahan kasi kapag hindi niya pinuntahan ang isang barangay baka magtampo ang mga botante kaya kailangang ikutin niya lahat.

Yung mga tatakbo sa national level, nagiging jet setter na rin sa ganitong panahon. Nakikipag-usap sa mga barangay officials, mayors at governors sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nag-oorganisa naman si ­Governor, Mayor ng pagtitipon na karaniwang ginagawa sa mga malalaking gym, naghahakot ng mga tao para lang magkaroon ng audience si Senator na ­reelectionist at iba pa na mga senatoriables.

Kapag hindi kakampi o kapartido ang mga incumbent officials, mga kapartido o miyembro ng partido sa grassroot level ika nga nila, ang nag-oorganisa ng mga pagtitipon para maipakilala ulit si reelectionist senator o yung nag-aambisyong maging senador.

Kaya bago ang pandemya, sa ganitong panahon, masaya na sa mga probinsya dahil pinapasyalan ng kandidato o politiko ang kahit sa kasuluk sulukan ng ating bansa at lalong sumasaya ang mga tao dahil alam nyo na… may ­allowance sila at meron pang dalang entertainers ang mga politiko na nagpapasaya muna sa mga tao bago sila magsasalita.

Saka minsan lang makita ng mga tao lalo na sa probinsya ang mga national candidate ng personal kaya pinupuntahan nila ang mga patawag ni Mayor o Governor… tuwing panahon lang ng halalan.

Sabi ko nga… buti pa ang mga bagyo, 20 beses kada taon dumalaw sa mga tao sa probinsya pero ang mga politiko, tuwing panahon lang ng kampanya. Saka lang magpapakita kapag kailangan na naman nila ang boto ng mga tao para maibalik sa puwesto o magkaroon ng puwesto.

Pero hindi raw pangangampanya yan ha… dahil hindi pa raw naman nagdedeklara ang mga yan na sila ay tatakbo o hindi pa nakakapaghain ng kanilang certificate of candidacy (COC).

Saka lang kasi ipinagbabawal ang early campaign kapag nakapaghain na ang mga politiko ng kanilang COC pero habang hindi pa sila naghahain ng COC puwede silang umikot at magparamdam sa mga tao.

Istilo na ‘yan ng mga politiko, hindi naman lahat pero karamihan sa kanila ay ganun ang istilo kaya kahit anong tangkang itama ang election code sa ating bansa, hindi nagtatagumpay dahil sila rin ang masasagasaan.

Pero ngayon, nalimitahan na ang kilos ng mga pulitiko sa ­ating bansa dahil sa COVID-19. Sa ayaw at sa gusto nila, bawal ang mangampanya ng harap-harapan. Isa lang ang puwedeng gumawa nyan at hindi ko na papangalanan dahil tiyak ko, alam nyo na kung sino ang tinutukoy ko.

Saka nakatutok ang mga tao. Halos lahat ng cellphone ngayon ay may camera at isang post lang ng maling ginawa ng politiko sa social media ay siguradong maba-bash sya.

140

Related posts

Leave a Comment