MARIKINA RTC JUDGE SINERMUNAN NG SC SA HINDI MAGANDANG ASAL

SINERMUNAN ng Korte Suprema ang isang Regional Trial Court (RTC) judge sa Marikina City matapos umanong magpakita ng kagaspangan ng ugali sa isang insidente ng maling pagparada na kinasangkutan ng abogado ng Public Attorney’s Office (PAO).

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, sinabi ng Court en banc na umakto nang hindi nararapat si RTC Judge Rey Inciong nang sawayin nito sa publiko ang PAO lawyer na si Ivan Hack Gatdula at igiit ang isang public apology, sa kabila ng agarang paghingi na ng paumanhin ng abogado.

Nag-ugat ang insidente nang pansamantalang pumarada ang sasakyan ni Gatdula sa harap ng Marikina Hall of Justice upang mag-time in at maiwasan ang kanyang pagka-late sa trabaho. Dahil dito, naharangan ang ramp para sa persons with disabilities at ang pedestrian walkway.

Bagama’t agad namang humingi ng paumanhin si Gatdula, iginiit pa rin umano ni Judge Inciong ang isang pampublikong paghingi ng tawad. Pinuntahan pa ng hukom ang opisina ng PAO upang ipagpatuloy ang pagsita—isang hakbang na inilarawan ng Korte Suprema bilang pananakot at hindi kinakailangan.

Kinilala ng mataas na hukuman ang hangarin ng hukom na mapanatili ang kaayusan sa loob ng korte, subalit binigyang-diin nito na inaasahang magpapakita ang mga hukom ng paggalang, pasensiya, at dignidad sa lahat ng pagkakataon.

Dahil sa insidente, inirekomenda ng Office of the Court Administrator ang pagpapataw ng mahigpit na babala laban kay Judge Inciong, kalakip ang paalala na mas mabigat na parusa ang ipapataw sakaling maulit ang kahalintulad na pag-uugali.

(JULIET PACOT)

52

Related posts

Leave a Comment