NAKALILITONG “BILL DEPOSIT” SA KURYENTE PINUNA NI ERWIN TULFO; NANAWAGAN NG MAKATAONG SINGIL

HINDI makatarungan para sa mga Pilipinong konsyumer na wala man lang silang kamalay-malay, lumobo na pala ang singil sa kanila sa kuryente.

Ito ang naging pahayag ni Senate Committee on Energy Chairman Senator Erwin Tulfo bilang pagtugon sa sunod-sunod na reklamo ng mga konsyumer na nabigla sa pagtaas ng kanilang bayarin sa kuryente dahil sa bill deposit.

“Malinaw sa reaksyon ng ating mga kababayan na sila nabigla at tila naisahan sila sa pagtaas-singil na ito. Ang pagbabayad ng kuryente ay parte na ng buwanang gastusin, kaya kapag may ganitong mga biglaang dagdag-singil, dagdag-pasakit ‘yan,” ani Tulfo.

Ang isyu ng bill deposits ay inihayag ng mga konsyumer sa loob at labas ng social media kung saan ang iba ay nagbahagi na halos 100 porsyento ang itinaas sa kanilang singil sa kuryente.

Sa ilalim ng “Magna Carta for Residential Electricity Consumers,” ang bill deposit ay halagang kinokolekta mula sa mga konsyumer sa buong bansa upang magsilbing garantiya sa pagbabayad ng nakonsumong kuryente ngunit hindi nabayaran sa takdang petsa.

Bagama’t kinikilala ni Tulfo na pinahihintulutan ng batas ang mga power distribution utility na mangolekta ng bill deposits, iginiit niya na ayon din sa parehong batas, may karapatan ang mga Pilipino sa mas malinaw at transparent na pagsingil.

“Karamihan sa mga reklamong ipinarating sa amin ay mas mataas pa ang ‘other charges’ kaysa sa actual consumption charges, pero hindi naman maintindihan ng mga kababayan natin kung para saan ang mga dagdag na singil na ito,” anang Tagapangulo ng Senate Energy Panel.

“Sa gitna ng kawalan ng kasiguraduhan dahil sa super El Niño, lalo na pagdating sa bulsa ng mga pamilyang Pilipino, pakiusap, maging makatao kayo at huwag nang magpataw ng mga karagdagang bayaring ito,” dagdag pa niya.

Suportado rin ni Tulfo ang mga regulasyon sa pagpapataw ng bill deposits na kamakailang inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Panawagan niya sa mga power distribution utility: “Bukod sa pagtiyak ng transparent billing, gampanan ninyo ang inyong corporate social responsibility at payagan ang mga konsyumer na magbayad nang hulugan.”

Inatasan na ng ERC ang mga power distribution utility na bigyan ang mga konsyumer ng pagkakataon na bayaran ito sa tatlong magkakapantay na buwanang hulog.

88

Related posts

Leave a Comment