MAY PAGBABAGO KUNO SA BI

BISTADOR Ni RUDY SIM

ILANG libong aplikante ang sumubok na masungkit ang pwesto bilang Commissioner ng Bureau of Immigration (BI), ang ilan sa mga ito ay gumamit pa ng malalakas na koneksyon sa gobyerno ngunit sa huli ay umuwi nang luhaan.

Noong nakaraang September 12 ay marami ang tumaas ang kilay sa pagkakatalaga ng Malacañang kay Atty. Norman Tansingco na nagsimula bilang chief of staff ni dating Commissioner Marcelino Libanan na ngayon ay isa nang party-list representative.

Sino nga ba si Tagsingko? Ay mali!. Tansingco pala. Sa 32 taon ko na bilang isang mamamahayag na nakatalaga sa BI ay kabisado na natin ang laman ng bituka ng mga kumag na opisyales dito, hindi naman lahat ng mga kawani rito’y tiwali, marami pa rin ang matino kahit hindi tulog.

Si Tansingco ay maaaring hindi naman corrupt dahil mabilis ang proseso ng papeles ngunit hindi rin natin masasabing ito ay matino.

Bakit kamo? Una, ang tukso sa BI ay hindi maiiwasan ng kahit sino pang banal dahil tayo ay tao lamang na natutukso sa kinang ng salapi. Kung lalatagan ka ng limpak-limpak na salapi sa iyong harapan na ang kapalit lamang ay ang iyong pirma sa isang dokumento ay kahit nakapikit ay pipirmahan mo ito.

Marami na ang yumaman sa BI at marami rin ang nagretiro sa ahensya na walang naipon. Mayroong mga nakasuhan dahil sa katiwalian ngunit hindi naman ­lahat ay mayroong kasalanan, ang ilan sa mga ito ay biktima lamang ng pulitika upang mapagtakpan ang katiwalian ng isang namumuno, isa na rito ang kaso ng Pastillas.

Si Tansingco, sa kanyang mga unang araw sa puwesto ay agad na binisita at sinermunan ang ilang kaharap na buwayang opisyales ng Port Operations Division. Ayon sa nakalap nating impormasyon ay balak nang ipa-abolish ng DOJ sa darating na mga araw ang POD at maaaring ilipat sa kapangyarihan ng Commissioner.

Pero bakit kaya hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang raket sa airport sa pangongotong ng ilang ­tiwaling Immigration ­officers, supervisor at terminal head sa dumarating na mga Chinese at Vietnamese sa airport?

Bukod sa POD ay nauna nang kinuha ng Office of the Commissioner ang trabaho ng Office of the Board Secretary na siyang nangangasiwa sa pag-implement ng approved visa ng mga dayuhan.

Hmm… Bakit kaya? Nasisiguro ba ng Ocom na mawawala na ang ­korapsyon sa ahensya kung inilipat na sa kanila halos lahat ng mga sensitibong tungkulin ng ahensya? Aba, eh, parang “imbudo”, salo lahat?

Ano kaya ang tunay na hangarin ng bagong luma na opisyal ng BI? Ito kaya ang plano ni Libanan para kumita ang pamahalaan o para sa pansariling bulsa ng ilang malapit sa Pangulo?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

186

Related posts

Leave a Comment