MEDIA KILLINGS TULDUKAN

HINDI sapat ang katagang nakapangingilabot para ilarawan ang banta sa hanay ng mga peryodista sa nalalapit na pagtatapos ng administrasyong Duterte.

Sa talaan ng Reporters Without Borders, isang international media organization na nakatutok sa kaligtasan ng mga mamamahayag, ang insidente ng pagpatay sa komentaristang si Jaynard Angeles mula sa Tacurong City sa Sultan Kudarat, ang ika-18 pamamaslang sa hanay ng Pinoy journalists mula nang maupo sa Palasyo si Rodrigo Duterte.

Bagama’t may ilan nang dinakip, wala ni isa man lang ang nahatulan sa mga kasong isinampa kaugnay ng media killings na naganap sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon mismo sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ­(UNESCO).

Ang totoo, hindi sapat ang pagkondena ng media organizations at mga kapitalista na nagmamay-ari ng media outfits sa tuwing may itinutumbang peryodista.

Mas angkop marahil kung mahahagip ang mailap na katarungan, kalakip ng mga proteksyon at benepisyong dapat lang naman igawad sa mga mamamahayag na sumusugal ng buhay sa bawat araw ng pag-uulat o pagsisiwalat ng mga katiwalian ng mga taong gobyerno at ng kanilang mga kasapakat.

Bukod sa banta sa buhay ng mga peryodista, nakalulungkot din isiping hindi kainaman ang estado ng marami bunsod ng kawalan ng angkop na batas na magtitiyak sa kapakanan ng mga tagapagbalita, komentarista at maging yaong mga ­kolumnistang hayagang bumibira sa mga bulilyasong nakikita.

Ang masaklap na bahagi ng pagiging peryodistang karaniwang takbuhan ng mga nadedehado bunsod ng mga bulilyaso – walang matakbuhan kapag sila mismo ang nasa delikado.

‘Yan ang totoo.

266

Related posts

Leave a Comment