PABOR ang isang kongresista na luwagan ang mga criteria para sa sports activities na makatutulong upang makaiwas sa posibilidad ng obesity ang mga Pinoy.
Paliwanag ni Bohol 3rd District Representative Kristine Alexie Tutor, isa ring lisensiyadong physical therapist, na kung hahayaang tumaba ang mamamayan at humina ang kanilang depensa laban sa coronavirus ay tataas ang peligrong tamaan sila ng COVID-19.
“Kailangan natin ng isang mapa, isang aprubadong resetang pangkalusugan at pampamayanan upang pigilan ang lumalaganap na pagtaba ng ating mamamayan sanhi ng inactivity dulot ng COVID-19 community quarantine,” ani Tutor, vice-chair ng House committee on health.
“Mahalaga ang mga inilabas na regulasyon ng mga ahensya ng gobyerno hinggil sa sports ngayong pandemya pero ang mga patakarang iyon ay limitado lamang para sa mga professional and amateur athletes at hindi para sa pangkalahatang publiko.”
“The PSC, GAB, and POC have the ‘sports bubble’ approach, but bubbles might not be the appropriate solution to the obesity and sedentary lifestyle now spreading among households and barangays. We need something more, a response parallel to the sports bubbles,” paliwanag ni Tutor.
‘GALAW-GALAW PARA IWAS-COVID’ ang bansag ni Tutor sa istratehiyang ipinapanukala niya sa IATF para maging malusog ang mamamayan sa kabila ng pandemya at panahon ng new normal.
Sabi ni Tutor, dapat merong COVID-19-specific exercises at diet programs para sa mga bata, adults, seniors, PWDs at mga buntis. Pati na rin distribusyon ng supplemental vitamins at maintenance medicines.
Ibabagay ang GALAW-GALAW PARA IWAS-COVID strategy sa community quarantine classifications.
Layunin ng diskarteng ito na mabigyan ng gabay ang LGUs at local health officials para maiakma nila ang kanilang community health at fitness programs sa mga datos na available sa kanilang nasasakupan. (CESAR BARQUILLA)
