MATALINO AT MASINOP NA PAGGAMIT NG KURYENTE. Hinihikayat ng Meralco ang iba’t-ibang negosyo na ugaliin ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente hindi lamang para makatipid kundi para matiyak ang katatagan ng mga industriya sa bansa sa gitna ng kawalang kasiguraduhan sa mga pandaigdigang merkado dulot ng krisis sa Gitnang Silangan. Makikita sa larawan ang Lopez Building na matatagpuan sa Meralco Operating Center sa Ortigas business district.
Habang nagpapatuloy ang tag-init, muling naghahanda ang mga negosyo sa pagtaas ng konsumo ng kuryente bunsod ng mas madalas at mas matagal na paggamit ng mga cooling appliance katulad ng air conditioner.
Ngunit kasabay ng tag-init ngayong taon ang nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa galawan ng presyo sa pandaigdigang merkado, kaya naman mas mahalaga ngayon ang kampanya para sa matalino at masinop na paggamit ng kuryente at langis.
Bilang pinakamalaking distribution utility sa bansa, kaisa ng pamahalaan sa kampanyang ito ang Manila Electric Company (Meralco) na maagap na nagpapatupad ng mga hakbang para maiwasan ang posibleng maging problema sa kuryente dulot ng kasalukuyang sitwasyon.
Ayon kay Meralco Chairman and CEO Manuel V. Pangilinan, sinisiguro ng kumpanya ang kasapatan ng supply ng kuryente at pag-manage sa epekto ng presyuhan sa pandaigdigang merkado sa singil sa kuryente.
MATALINO AT MASINOP NA PAGGAMIT NG KURYENTE. Suportado ng Meralco ang panawagan ng pamahalaan para sa matalino at masinop na paggamit ng kuryente kasabay ng sigalot sa Gitnang Silangan. Makikita sa larawan ang mga linecrew ng Meralco na nagsasagawa ng maintenance activity.
Patuloy rin na sinusuportahan ng Meralco ang mga hakbang ng gobyerno para pamahalaan ang sitwasyon.
Sa isang webinar na isinagawa ng Meralco, muling nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa mga negosyo na isaalang-alang ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay DOE Energy Utilization Management Bureau Director IV Patrick Aquino, makatutulong ang mga negosyo sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano magiging masinop ang kanilang paggamit ng kuryente. Dagdag pa ni Aquino maaari itong gawin sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga propesyunal, energy audit o kaya naman ay spot check.
Masinop at matalinong paggamit ng kuryente
Ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente ay isa sa nagiging mahalagang estratehiya hindi lang sa mga residential na customer. Pati sa mga industriyang malakas ang konsumo ng kuryente, makatutulong ang responsableng paggamit nito ngayong tag-init para mapagaan ang tumataas na gastos sa operasyon at makatulong rin pagsiguong magkakaroon ng sapat na supply at maayos na serbisyo ng kuryente sa bansa.
Aktibong ibinabahagi ng Meralco ang iba’t-ibang paraan para maisabuhay ng mga negosyo ang energy efficiency hindi lamang ngayong tag-init kundi sa buong taon:
- Ilipat ang mga operasyon na makonsumo sa kuryente sa off-peak hours
Samantalahin ang off-peak hours sa ilalim ng Meralco Peak-Off Peak (POP) program na naglalayong tulungan ang mga negosyo na mabawasan ang kabuuang gastos sa kuryente sa pamamagitan ng rates na nakabatay sa peak at off-peak periods.
Mas mababa ang demand sa kuryente tuwing off-peak hours mula 9:00 p.m. hanggang 8:00 a.m. (Lunes–Sabado), at mula 12:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. at muli mula 8:00 p.m. hanggang 12:00 a.m. (Linggo). Sa mga oras na ito, mas mababa ang generation costs.
Makakabawas sa gastos sa operasyon kung ililipat ng mga negosyo ang energy-intensive activities—tulad ng bulk production, equipment testing, o paggamit ng heavy machinery—sa mga oras na ito ay. Makatutulong na aralin ang mga workflow para malaman ang iba pang mga gawain na maaaring ilipat sa off-peak hours.
- Gumamit ng LED
Marahil ay iniisip ng nakararami na maliit lamang ang gastos sa mga ilaw, ngunit itong nagpapataas ng konsumo sa kuryente sa mga opisina, bodega, at mga factory lalo na kung halos hindi pinapatay at tuluy-tuloy ang paggamit. Isa sa pinakamabisang efficiency upgrades ang paggamit ng LED lighting.
Mas mababa ng nasa 87% ang konsumo sa kuryente ng LED kumpara sa mga incandescent bulb. Humigit-kumulang na mas mababa ng 50% naman ang konsumo ng mga LED kaysa compact fluorescent lamps (CFLs). Bukod pa rito, mas matagal na napapakinabangan ang mga LED na ilaw.
- I-optimize ang paggamit ng mga air-conditioner, mga cooling appliance
Para sa mga opisina, ang 25°C ay madalas na itinuturing na ideal thermostat setting pero dapat din isaalang-alang ang ginhawa at pagiging produktibo ng mga empleyado. Lumalabas sa mga Meralco Power Lab test na makakatipid ang mga negosyo ng 5% hanggang 8% sa energy costs sa bawat isang degree ng adjustment sa thermostat settings.
Iba naman ang temperature settings para sa mga freezer o chiller na ginagamit sa mga industrial setting. Ang malalaking makina ay naglalabas ng matinding init, at kung walang tamang cooling, maaaring magdulot ito ng pagkasira. Ang pagkakaroon ng sapat na airflow, heat dissipation, at exhaust—minsan sa tulong ng mga cooling tower—ay hindi lamang para sa pagtitipid ng kuryente kundi para rin sa pangmatagalang pangangalaga ng kondisyon ng mga kagamitan.
- Panatilihing malinis ang filter ng mga Heating, Ventilation and Airconditioning (HVAC) unit
Ang marumi o baradong air conditioner filter ay maaaring isa sa mga nagpapataas ng konsumo sa kuryente. Lumalabas sa mga Meralco Power Lab test na ang isang 1.0 horsepower window-type air conditioning unit na tumatakbo ng walong oras gabi-gabi ay maaaring magdagdag ng P351 kada buwan kung hindi malinis ang filter.
Ang regular na paglilinis o pagpapalit ng HVAC filters ay nagpapabuti ng airflow, nagpapababa ng konsumo ng kuryente, nakatutulong para masulit ang paggamit ng appliance, at nakakaiwas sa maagang pagkasira.
- Suriin ang mga appliance para sa masinop at matalinog paggamit ng kuryente
Suriin ang mga appliance sa opisina upang matiyak na lahat ay nasa maayos na kondisyon at gumagana nang tama. Mula sa mga office computer hanggang mga appliance sa pantry, bawat kagamitan ay kumukonsumo ng kuryente kaya naman kahit mga simpleng sira ay maaaring makaapekto sa konsumo.
Ang air-conditioning unit ay isang halimbawa. Ang pagpili ng tamang horsepower para sa isang partikular na kuwarto ay nakatutulong para sat ama at sulit na paggamit nito.
Panawagan para sa bayanihan
Bukod sa panawagan para sa matalino at masinop na paggamit ng kuryente, hinihikayat din ng Meralco ang mga negosyo na sumali sa Interruptible Load Program (ILP) bilang pagpapakita ng bayanihan. Sa programang ito, pansamantalang nagde-deload ang mga negosyong may malaking konsumo upang makatulong kapag limitado ang suplay.
Ayon kay Meralco Generation and Transmission Economics Lead Specialist Ma. Leticia L. Sapina, patuloy na hinihikayat ng kumpanya ang pagsali sa ILP para mas maging epektibo ito.
Batay sa datos ng Meralco, nitong Marso, nasa 102 kumpanya na ang kasali sa ILP na may kabuuang de-loading capacity na 526 megawatts. Aktibong nakikipag-ugnayan ang Meralco sa mas marami pang customer nito upang mapalawak ang available na de-loading capacity sa ilalim ng ILP. Mula pa noong 2014, ang pagpapatupad ng Meralco ng ILP ay nakatulong para maiwasan ang rotating power interruption sa humigit-kumulang 3 milyong kabahayan.
Sama-sama, ang mga demand-side management measures na ito ay nakatutulong para matiyak ang tuluy-tuloy at maayos na serbisyo. Patuloy na nakikipagtulungan ang Meralco sa DOE at iba pang ahensya upang isulong ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente.
92 


