Meralco, pinaigting pa ang kampanya kontra pagnanakaw ng kuryente

Patuloy na ipinapatupad ng Manila Electric Co. (Meralco) ang kampanya nito laban sa pagnanakaw ng kuryente para mapanatili ang katatagan at pagiging maaasahan ng distribution network nito, habang isinusulong ang kaligtasan ng publiko.

Bukod sa mga proactive inspection sa mga electrical facility at pakikipagtulungan sa mga alagad ng batas na sugpuin ang mga ilegal na koneksyon, may mga inisyatiba rin ang Meralco para mapalawak pa ang paggamit ng mga smart technology at patuloy rin na pamumuhunan nito modernisasyon ng mga pasilidad nito para mabawasan ang non-technical system loss na dulot ng mga iligal na service connection at meter tampering.

Sa isang panayam sa radyo nitong Martes, binigyang-diin din ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga ang kahalagahan ng “Brigada Kontra Jumper,” isang inisyatibong inilunsad kamakailan ng Department of Energy (DOE).

Sa ilalim ng programa, hinihikayat ng DOE ang publiko na i-report sa pamamagitan ng eGovPH platform ang mga hinihinalang ilegal na koneksyon ng kuryente, jumper, at minanipulang metro.

Ayon kay Zaldarriaga, maaaring magdulot ng overload sa mga distribution facility ang mga ilegal na koneksyon at posibleng makasira sa mga transformer, na maaaring humantong sa pagkawala ng kuryente hindi lamang sa mga sangkot kundi maging sa buong komunidad.

“Yung battle against illegal connections, against jumpers, at itong tampering, it’s not just Meralco alone, its a societal issue,” aniya, habang patuloy ang pakikipagtulungan ng Meralco sa Philippine National Police (PNP) sa pagtugon sa mga ulat ng paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act.

Para matugunan ang electricity pilferage at mabawasan ang system loss, sinabi ni Zaldarriaga na tinitingnan din ng Meralco ang deployment ng mga smart metering technology, na mas mahirap i-tamper at makakatulong para mas mabilis na matukoy ang mga iregularidad.

Hindi tulad ng mga conventional meter na kailangang basahin nang mano-mano at pisikal na inspeksyunin kapag may hinihinalang tampering, awtomatikong nakapagtatala ng consumption data ang smart metering technology. Nababawasan din nito ang posibilidad ng mga error na maaaring mangyari sa manual na pagbabasa ng metro.

Binanggit rin ni Zaldarriaga ang patuloy ang Meralco na pag-upgrade ng imprastraktura nito, kabilang ang mga substation at distribution line, na mahalaga sa pagpapahusay ng efficiency at reliability ng buong distribution system.

“Dito pumapasok yung investments ng isang distribution utility. Sa Meralco, malaki ang inilalaan namin para mapahusay ang distribution system at nakikita na namin ang resulta ng mga pamumuhunang ito. Patuloy ding nakatutulong ang mga pamumuhunan sa capital infrastructure, kabilang ang mga bagong substation at pagpapalakas ng mga distribution line, para sa pagpapahusay ng efficiency at reliability ng aming network,” ani Zaldarriaga.

Aniya, ang mga hakbang na ito para gawing mas moderno ang network at tugunan ang electricity pilferage ay bahagi ng pagtiyak na maibibigay ng Meralco ang antas ng serbisyo na inaasahan mula sa isang distribution utility at mapanatiling maaasahan ang suplay ng kuryente, kabilang sa panahon ng mahihirap na operating conditions.

Gayunpaman, sinabi niyang nakasalalay sa regulatory approval ang deployment ng smart metering technology at pag-upgrade ng power infrastructure.

“Mahalagang mabalanse ang kakayahan ng utility na gawing mas moderno ang sistema at ang epekto ng mga pamumuhunang ito sa mga consumer. Bilang distribution utility, kailangan namin ang sapat na resources upang maipatupad ang mga modernization effort na magpapahusay sa aming serbisyo. Bahagi ito ng responsibilidad namin na maghatid ng dekalidad at maaasahang serbisyo ng kuryente sa aming mga customer 24/7,” ani Zaldarriaga.

94

Related posts

Leave a Comment