TAGAYTAY CITY – Nagpaabot ng tulong ang Tagaytay Component City Police sa isang Mexican national makaraang matagpuan itong sugatan sa isang creek sa loob ng isang subdibisyon sa lungsod noong Miyerkoles ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Tagaytay Medical Hospital ang biktimang si alyas “Jose”, 46, residente ng Scout Borromeo St., South Triangle, Quezon City.
Ayon sa tawag ng isang residente ng Brgy. Maitim II Central, Tagaytay City, napansin ang nasabing dayuhan na naglalakad sa lugar at sugatan bandang alas-10:40 ng gabi.
Agad nagresponde ang mga operatiba ng Tagaytay CPS at natagpuan ang biktima sa gilid ng isang creek malapit sa isang pribadong lugar.
Ayon sa nakasaksi, nahulog umano ang nasabing dayuhan sa nasabing creek.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung paano nahulog at napunta sa nasabing lugar ang dayuhan.
(SIGFRED ADSUARA)
62
