MGA SENADOR HINIMOK TANGGIHAN VP POST KUNG MA-CONVICT SI VP SARA

IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat tularan ng lahat ng senator-judges ang paninindigan ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi tatanggapin ang posisyon bilang bise presidente sakaling ma-convict at matanggal sa puwesto si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Cayetano, mahalagang hakbang ito upang maiwasan ang posibleng conflict of interest sa impeachment proceedings laban sa pangalawang pangulo.

Bagama’t hindi awtomatikong disqualified ang mga senador na italaga bilang bise presidente, sinabi ni Cayetano na tama ang posisyon ni Escudero upang hindi magmukhang may personal o political gain ang pag-convict kay Duterte.

Una nang sinabi ni Escudero na conflict of interest ang dahilan kung bakit hindi niya tatanggapin ang posisyon bilang bise presidente, dahil ang mga senador ang magsisilbing hukom sa impeachment case laban kay Duterte.

Kasabay nito, nanawagan si Cayetano sa lahat ng senator-judges na panatilihin ang political neutrality sa paglilitis sa pangalawang pangulo.

Binigyang-diin niya na walang dapat na maging insentibo sa paghatol at dapat na nakabatay lamang sa ebidensya ang magiging desisyon kung idi-dismiss o iko-convict si Duterte.

(DANG SAMSON-GARCIA)

57

Related posts

Leave a Comment