MISSILE SYSTEMS UUNAHIN NG AFP SA PAGBILI NG ARMAS

MISSILE systems at iba pang kagamitang pandepensa na magagamit sa aktwal na operasyon ang bibigyang-prayoridad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng anunsyo ng Estados Unidos ng mahigit $2 bilyong Foreign Military Financing (FMF) loan package para sa Pilipinas.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete, nakatuon ang militar sa pagkuha ng mga kagamitang magpapalakas sa kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang teritoryo at pigilan ang mga posibleng banta.

Sinabi ni Nafarrete na mahalaga ang pagpapalakas ng kakayahang pandepensa ng Pilipinas dahil sa pagiging kapuluan nito at presensya ng mga dayuhang barkong pandigma, partikular ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China, sa mahahalagang rutang pandagat.

Samantala, kabilang sa sinusubukan at isinasama ng AFP sa mga operasyon ang mga bagong kagamitang pandepensa sa ika-10 edisyon ng AFP Joint Exercise Dagat, Langit, Lupa (AJEX DAGIT-PA).

Ayon kay Exercise Director Maj. Gen. Oliver Maquiling, layunin ng pagsasanay na subukan ang pagsasama at koordinasyon ng mga bagong kakayahan ng Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy sa magkasanib na operasyon.

Kabilang sa mga sinusubukan ang mga strategic weapon system, gaya ng missile at radar systems na mahalaga sa pagtukoy at pagpigil sa mga posibleng banta.

Ipinaliwanag ni Maquiling na hindi magiging epektibo ang mga missile system kung walang radar na tutukoy sa pinagmumulan at lokasyon ng banta.

Samantala, nakapaloob sa anunsyo ng White House ang mahigit $2 bilyong FMF loan package na magagamit ng Pilipinas sa pagbili ng mahahalagang kagamitang pandepensa mula sa mga supplier sa Amerika.

Mayroon ding $400 milyong FMF assistance para palakasin ang operational reach at deterrence capabilities ng AFP, kabilang ang long-range fires, command-and-control systems, critical infrastructure at multi-domain drones.

(JESSE RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment