MMDA kumambyo matapos luwagan ang Metro Manila NCR RESIDENTS INAWAT SA PAMAMASYAL

NANAWAGAN ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na huwag munang ‘magliwaliw’ at ‘magpasarap’ sa mga pasyalan sa National Capital Region (NCR) dahil problema pa rin dito ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ayon kay MMDA general manager at Metro Manila Council (MMC) spokesman Jojo Garcia, dapat alalahanin ng publiko na “General Community Quarantine” (GCQ) pa rin ang kalagayan ng NCR na ang ibig sabihin ay nananatili ang banta ng COVID-19.

Idiniin ni Garcia na hindi porke iiksian ang curfew hour at palalawigin ang edad ng taong papayagang lumabas mula sa kani-kanilang bahay ay ‘malaya’ na silang magpunta kung saan-saan lugar o pasyalan.

Bagamat nagluwag ang pamahalaan upang sumulong ang ekonomiya sa NCR at maraming mamamayan ang makapagtrabaho ay hindi ito nangangahulugang magkukumahog na ang mamamayan na mamasyal nang mamasyal sa kung saan-saang lugar.

Ang punto ng opisyal upang umiwas pa rin sa COVID-19 ang mga residente sa NCR.

Matatandaang kamakalawa ay sinabi ni Garcia na nagkasundo ang labingpitong alkalde sa NCR na gawing alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw ang curfew hour sa kanilang nasasakupan.

Binanggit din na mula 18-anyos hanggang 65-anyos na ang maituturing na mga “authorized persons outside residence” (APOR).

Umaasa si Garcia na susunod ang publiko sa tagubilin ng MMDA. (NELSON S. BADILLA)

206

Related posts

Leave a Comment