Pinarerebisa ng Ombudsman ‘MAIN PLUNDERER’ DOCTRINE NAGAGAMIT NA SHIELD NG MGA SABIT SA FLOOD SCAM

UMAPELA ang Office of the Ombudsman sa Korte Suprema na muling suriin ang “main plunderer doctrine,” na umano’y nagiging panangga ng mga politiko at iba pang indibidwal na sangkot sa kontrobersyal na flood control scam.

Ito ay kasunod ng panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa isang press conference na rebisahin ng Kataas-taasang Hukuman ang nasabing doktrina, na aniya’y nagpapahirap sa pag-usig sa mga kasong plunder o pandarambong.

Ayon kay Remulla, walang probisyon sa Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Law na nag-aatas na tukuyin at patunayang may pangunahing utak sa isang plunder scheme bago mapanagot ang iba pang sangkot dito.

Sa ilalim ng doktrinang inilatag ng Korte Suprema sa kasong Macapagal-Arroyo v. People noong 2016, kailangang matukoy ng prosekusyon at mapatunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa ang pagkakakilanlan ng tinatawag na “main plunderer” o pangunahing utak sa pandarambong.

Gayunman, iginiit ng Ombudsman na maaari itong magamit na panangga ng mga tiwaling opisyal, lalo na kung dumaraan ang pera sa mga dummy, middleman, kumpanya at iba’t ibang account upang maitago ang mga tunay na nakinabang.

Ayon sa tanggapan, maaari ring mangyari ang ganitong sistema sa mga anomalya sa flood control projects, kung saan dumaraan sa maraming contractor at transaksyon ang pera bago makarating sa mga tunay na nakinabang.

Dahil dito, nanawagan ang Ombudsman sa Korte Suprema na muling suriin ang doktrina upang hindi ito maging hadlang sa epektibong pagpapanagot sa mga sangkot sa umano’y malawakang paglustay sa pondo ng bayan.

(JULIET PACOT)

87

Related posts

Leave a Comment