NAGTATRABAHO kay Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang isa sa mga naghain ng kaso laban kay Marikina Mayor Marcy Teodoro sa Commission on Elections (Comelec).
Batay sa record ng Comelec, si Leighrich James Estanislao ang unang nagsampa ng kaso laban kay Teodoro sa Comelec, bago sumunod sina Senador Koko Pimentel, Katrina Marco, Angelu Estanislao at Ma. Luisa de Guzman.
Sa pagsasaliksik sa social media, natuklasan na si Estanislao ay aktibong nagtatrabaho sa kampo ng mga Quimbo sa iba’t ibang kapasidad. Siya ang tumatayong direktor ng mga video ukol sa mga programa ng mga Quimbo na inilalabas ng mga vlogger, kabilang na ang tungkol sa QCivic Center, at isa sa mga nagpapatakbo ng Q Hub.
Pinasalamatan pa si Estanislao ng isang taga-Marikina nang mabawi nito ang cellphone naiwan sa Q Hub.
Samantala, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia na maaaring baliktarin ng poll body ang nauna nitong desisyon at payagan si Teodoro na tumakbo bilang kongresista sa unang distrito ng lungsod kung makapagpiprisinta siya ng bagong argumento o ebidensya sa kanyang motion for reconsideration.
Aniya, may mga pagkakataon sa mga nakaraang kaso na nabaliktad ang desisyon ng poll body base sa mga argumento o bagong ebidensiya na inilatag sa apela.
“Marami rin namang pagkakataon na pagkatapos makapagprisinta ng mga argumento sa motion for reconsideration ay puwedeng magkaroon ng reversal ang division,” ani Garcia.
“Ibig sabihin, puwede magbago naman ang isip ng mga nasa division. Hindi naman po siya porke’t bumoto, maaaring hindi lang may naliwanagan o maaaring may ebidensyang hindi lang naiprisinta, ay pupuwede pong magkaroon ng pagbabago,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Garcia, ang pasya ng Comelec 1st Division na i-disqualify si Teodoro bilang kandidato ay hindi pa pinal at hindi pa pwedeng ipatupad, dahil ito’y dadaan pa sa motion for reconsideration.
“Kapag nag-file, hindi puwedeng ipatupad ang desisyon ng Komisyon. Therefore, kung iyan po’y aabutin sa printing ng balota, makakasama pa ang pangalan ni Mayor Marcy doon sa balota,” sabi niya.
Kasabay ng pagpapahayag ng buong suporta kay Mayor Teodoro, sinabi ng mga taga-Marikina na ang panggigipit sa alkalde ay pakana ng kanyang mga katunggali sa pulitika.
Si Koko Pimentel na tumatakbong Kongresista sa unang distrito ng Marikina ay ipinanganak sa Cagayan de Oro.
79