Nakiusap sa COA na ituloy ang pagpapakain sa foreign detainees BI, UMAMIN SA P5.8-M ‘KRIMEN’

UMAMIN ang Bureau of Immigration (BI) sa nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na gumasta ito ng P5,816,460 sa serbisyo ng pribadong catering company upang regular na mapakain ang mga dayuhang bilanggo ng ahensiya nitong 2019.

Ayon sa ulat ng 2019 COA Report, nang tanungin ng audit team ang BI tungkol sa P5.8 milyong ginastos nito sa catering services ng isang pribadong kumpanya upang mapakain ang mga bilanggong dayuhan ng ahensya ay ganito ang sagot ng BI:”…[I]t cannot immediately discontinue the services of the current caterer “as it is a matter of life and death situation for the survival of said foreigners” dahil gugugol ng mahabang panahon kapag kumuha uli ng panibagong catering firm.

Ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay sinusunod ang Republic Act 9184, o Government Procurement Reform Act kapag maglalabas ito ng pera upang magkaroon ng kontrata sa pribadong kumpanyang maglalaan ng serbisyo sa ahensiya ng pamahalaan.

Kasama sa R.A. 9184 ang catering services ng isang pribadong kumpanya.

Ayon sa mga abogado, kahit anong babayaran ng ahensiya ng pamahalaan sa mga gagamitin nito sa paggampan ng mga gawain, tungkulin at obligasyon ay kailangang pasok ito sa teritoryo ng R.A. 9184 dahil ang perang ilalabas ng ahensiya ng pamahalaan tulad ng P5.8 milyon ng BI ay “public funds” ang tawag.

Nang idiniin ng COA sa BI ang paglabag sa R.A. 9184 kaugnay sa mga paglabag nito sa pagkuha sa pribadong kumpanya bilang tagapagluto ng kakainin ng 244 mga dayuhang bilanggo sa loob ng buong 2019, nakiusap ang BI: “In this regard, we are asking for consideration not to disallow the payments for the current catering services until such time that a new winning bidder is awarded for the said services.”

Nangako ang BI sa COA na ibibigay ng una ang lahat dokumento at resibo sa paglalabas ng mahigit P5.8 milyon nitong 2019.

Maraming iregularidad, o mga ‘krimen,’ na nabisto ang COA sa BI tungkol sa pagpapakain sa mga dayuhang nakapiit sa kulungan ng BI sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig.

Batay sa COA Report na inilabas ng SAKSI NGAYON nitong Setyembre 21, memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng BI at pribadong catering services company noong 2010 ang ginamit na batayan ng BI upang maglabas ito ng P5,816,460 noong 2019.

Ang nakalagda sa MOA para sa BI ay ang komisyoner ng huli noong 2010 na si Marcelino Libanan.

Si Morante na retiradong heneral ang hepe ng BI sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa COA, ang naturang “MOA was valid only for Calendar Year 2010 expenditure, and cannot be used as basis for payment of expenditures for succeeding years (2011-2019).”

Wala sa listahan ng BI procurement plan para sa 2019 ang catering services na binayaran ng ahensiya ng mahigit P5.8 milyon, patuloy ng COA Report.

Tinumbok din sa ulat na walang “valid contract” sa pagitan ng BI at ang nasabing pribadong kumpanya.

Walang lehitimong mga dokumento, o resibong, kakatawan sa mahigit P5.8 milyong ibinayad ng BI sa catering firm, dahilan upang masabi na ang mahigit P5.8 milyon ay “reasonable, advantageous to the government, and in accordance with existing procurement procedures, laws, rules and regulations,” saad sa ulat ng COA.

Nadiskubre rin ng COA audit team sa BI’s Annual Procurement Plan (APP) para sa 2018 hanggang 2019 na ang pagkuha ng food catering firm para magpakain sa mga dayuhang bilanggo ng ahensiya ay hindi pasado sa “procuring authority.”
Nabanggit sa parehong ulat ng COA na linabag ng BI ang Seksiyon 7, Artikulo 2 ng R.A.

Nakasaad sa nasabing probisyon na “no government procurement shall be undertaken unless it is in accordance with the approved Annual Procurement Plan of the procuring entity.”

Nalabag din ang Seksiyon 85 ng Presidential Decree 1445, o Government Auditing Code of the Philippines na ang nakasulat ay: “no contract involving the expenditure of public funds shall be entered into unless there is an appropriation therefore,” banggit sa ulat. (NELSON S. BADILLA)

157

Related posts

Leave a Comment