KUSANG loob na sumuko sa mga awtoridad ang isang pulis Maynila na namaril na ikinamatay ng isang lalaki at isa pa ang malubhang nasugatan, makaraang magkasagutan dahil sa balagbag na parada ng motorsiklo ng suspek noong Biyernes ng madaling araw sa Tondo, Manila.
Ang suspek na Si Cpl. Norman Alvin Santos, natalaga sa Manila Police District Station 3, ay sumuko kay kay P/Lt. Col. Evangeline Cayaban, station commander ng MPD-Station 12 dakong 1:30 ng hapon.
Depensa ni Cpl. Santos, sinita siya sa parking ng kanyang motorsiklo kaya nagkaroon ng pagtatalo na humantong sa insidente.
Dagdag pa ng pulis, inagaw ang kanyang baril ng ilang tambay sa lugar.
Ayon naman sa ilang saksi, kapag nasosobrahan sa kalasingan ang suspek ay nagwawala ito at kung sino-sino ang hinahamon ng ayaw.
Magugunitang namatay habang isinisugod sa Tondo General Hospital si Joseph Marga y Caballegan, 32, elevator installer, at residente sa Block 6, J.P Rizal St., Tondo dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Habang kritikal naman ang kondisyon ng kasama nitong si Mark Lester Quinones, 28, ng Lot 36, Blk. 6, J.P. Rizal St., Tondo.
Makaraan ang insidente, mabilis na tumakas si Santos at umano’y naiwan ang baril nito na isang 9mm pistol.
Ayon sa report ng MPD-Homicide Section, bandang alas-2:45 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa J.P. Rizal St., sa Tondo.
Nabatid sa pagsisitasat ng pulisya, lasing umano si Santos nang sitahin nito sina Marga, Quinones at isang Nelson Santos.
Sinabi umano ng suspek na aarestuhin ang mga biktima ngunit nangatuwrian si Marga na tagaroon lamang sila sa nasabing lugar.
Depensa pa ng pulis, naagaw ng biktima ang kanyang baril kaya tumakbo na lamang siya sa pangambang sa kanya ito iputok.
Ayon pa sa suspek, hindi kasama ni Marga si Quinones kundi kasama niya ito. (RENE CRISOSTOMO)
215 