KAPALIT NI ALBAYALDE SINASALA NA NG PANGULO

bong go55

(NI NOEL ABUEL)

MALAKING hamon sa susunod na pinuno ng Philippine National Police (PNP) bilang kapalit ni PNP chief Police Director Oscar Albayalde na magreretiro sa susunod na buwan na maibangon ang imahe ng Pambansang Pulisya.

Dahil dito, sinasala na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posibleng kapalit ni Albayalde para punan ang iniwan nitong gusot sa hanay ng PNP.

Ito ang sinabi ni Senador Christopher Lawrence Go kung saan tinitimbang nang mabuti aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sinu-sino sa mga umuugong na kapalit ni Albayalde ang magpapatuloy sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga at kurapsyon sa hanay nito.

“Prerogative po ‘yan ng Pangulo. Kailangan may trust at confidence niya. Para sa akin kung sino ang makapagpapatuloy ng laban sa droga at kriminalidad, siya ang dapat sumunod na maging PNP chief. Basta matapang at merong will to fight illegal drugs. At saka dapat ang priority niya ay magserbisyo sa tao at wala nang iba,” sabi ni Go.

“Medyo crucial ang next chief PNP. Ayaw naming ma-demoralize ang mga pulis. Tuluy-tuloy ang internal cleansing at ang respeto ng mga tao ay naibalik na sa kanila. Suportado namin sila. Mahihirapan po tayo sa kampanya natin laban sa iligal na droga at kriminalidad kung wala sila,” dagdag pa nito.

Nilinaw din ng senador na wala umanong kinalaman ang pagsama ng ilang police generals sa Russia sa pinagpipilian ng Pangulo para kapalit ni Albayalde.

“Wala pong kinalaman ang pag-imbita niya sa kanila sa papalit as PNP chief. Hindi po indicator iyon. Basta inimbitahan po sila ng Pangulo, inimbitahan din naman niya ang mga may Medal of Valor. Kasama dito ‘yung mga wounded-in-action soldiers. Konsuwelo rin sa pagsisilbi nila sa bayan,” paliwanag pa ni Go.

Idinagdag pa nito na sinisiguro ng Pangulo na ang susunod na PNP chief ay magsisilbing gabay para malinis ang imahe at magsagawa ng reporma as pulisya.

“Pinagpipilian pa ng Pangulo at siyempre, pinagpipilian niya kung sino po ang makapagdadala at makakapagpatuloy ng reporma ng PNP,” ayon pa kay Go.

182

Related posts

Leave a Comment