Binira ng consumers group dahil pinagkakitaan ang pribatisasyon
(Ni: NELSON S. BADILLA)
NANAWAGAN kahapon ang isang samahan ng mga consumer at dalawang organisasyon ng mga manggagawa kay Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko na ang distribyusyon ng tubig sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan, sapagkat pumabor lamang ito sa mga water concessionaire.
Sa eksklusibong panayam kay Rodolfo “RJ” Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), idiniin nitong “palpak ang pribatisasyon” ng distribyusyon ng tubig sa NCR at mga karatig lalawigan, sapagkat pinagkakitaan lamang ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. ang nabanggit na serbisyo-publiko.
Ang Manila Water ay pag-aari ng pamilya Ayala at mga kasosyong dayuhang negosyante, samantalang ang Maynilad ay dating pag-aari ng pamilya Lopez hanggang napunta sa negosyanteng Indonesian na si Anthoni Salim at pamilya Consunji.
Ang negosyanteng si Manny Pangilinan na ‘tauhan’ ni Salim ang pinuno ng Maynilad.
Si Pangilinan din ang pangunahing opisyal ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT), Smart, TV 5, Manila Electric Company (Meralco) at iba pa.
Ayon kay Javellana, pinuno rin ng Water for All Refund Movement (WARM), noong hawak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang distribyusyon ng tubig bago mapunta sa Manila Water at Maynilad noong 1997 ay umaabot lamang sa higit dalawang piso bawat kubiko metro ang sinisingil sa tubig.
Kaya, mababa ang binabayaran kada buwan ng mga konsyumer kumpara ngayon na umaabot na sa mahigit P35.00 per kubiko metro, tugon ni Javellana.
Kumbinsido rin si Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), na dapat akuin uli ng pamahalaan ang pamamahala at pagpapatakbo ng distribyusyon ng tubig sa Kalakhang Maynila.
“[PM ] is calling for renationalization of water on the basis on onerous contract as an industry, water must remain in public hands,” tugon ni Fortaleza.
Nang tanungin ng investigative reporter na ito, idiniin ni Fortaleza na, “[Ito’y] dahil pinagkakitaan lang ito nang todo ng mga oligarko… Water is life, not a lifeblood of monopolistic businesses.”
Pagpapatigil din sa pribatisasyon sa pamamahala at pagpapatakbo ng tubig ang panawagan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kay Duterte.
Ayon sa pinuno ng BMP na si Leody de Guzman, walang kuwenta ang pambabatikos ni Duterte sa Manila Water at Maynilad kung mananatiling hawak ng dalawang kumpanya ang distribyusyon ng tubig sa NCR at mga karatig probinsiya.
Wala ring silbi ang galit ni Duterte sa mga may-ari at namamahala ng Manila Water at Maynilad kung ang totoong adyenda niya ay ipasa ito sa kanyang sariling “cronies” na sina Ramon Ang ng San Miguel Corporation, Dennis Uy ng Dito Telecommunity Inc. at pamilya ni Senadora Cynthia Villar at dating Senate President Manny Villar.
Nanatili ang posisyon ng UFCC, PM at BMP sa pagpapatigil sa pagsasapribado ng distribyusyon ng tubig makaraang muling ihayag ni Duterte sa Manila Water at Maynilad ang alok niyang “bagong kontrata” sa dalawang kumpanya.
Ang San Miguel Corporation ay agresibo sa pagpapalawak ng negosyo nito kung saan pinasok na ang negosyong “expressways” at pambansang paliparan (nakatakdang itayo ang New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan).
Ang Dito ay ang ikatlong Telco ngayon sa Pilipinas kung saan mayroong substansiyal na “share of stocks” ang pamahalaan ng People’s Republic of China, sa pamamagitan ng pag-aari nitong Telecommunications Corporation.
Ang pamilya Villar na siyang may-ari ng Prime Water Infrastructure Corporation ay ‘kasosyo’ na ngayon ng 63 water district distribution firms mula sa umiiral na 76 water district distribution companies sa bansa, ayon sa impormasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
LWUA ang namamahala ng distribyusyon ng tubig sa mga lalawigan.
Matagal nang nababalita sa media na sina Ang, Uy at pamilya Villar ay mga “negosyanteng kaibigan at paborito” ni Pangulong Duterte.
Mayroon ding balita na milyun-milyon ang salaping itinulong nina Ang, Uy at Villar sa kampanya sa pagkapangulo ni Duterte noong 2016.
Iginiit ni Javellana na “hindi dapat ginagawang negosyo ang pampublikong pasilidad tulad ng tubig, kuryente at telekomunikasyon.”
Nabatid ng Saksi Ngayon mula sa ulat ng pamunuan ng Manila Water sa mga kasosyo ng Ayala at stock holder ng kumpanya noong kwarter ng 2019, umabot sa P54.9 bilyon ang tubo ng Manila water mula 2009 hanggang 2018.
Umabot naman sa P64.6 bilyon ang tubo ng Maynilad mula 2009 hanggang 2018, ayon sa ulat ng pamunuan ng kumpanya kina Salim, pamilya Consunji at mga stocks holder ng Maynilad.
Sa kabila nito, inihabla ng Manila Water at Maynilad ang pamahalaan ilang taon na ang nakalilipas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng Singapore dahil bilyun-bilyon umano ang ikinalugi ng Manila Water noong 2015 hanggang 2018 at Maynilad mula 2013 hanggang 2017.
Pinagbabayad ng PCA ang pamahalaan ng Pilipinas ng P7.4 bilyon sa nasabing pagkalugi ng Maynilad at P3.43 bilyon naman sa Maynilad.
Humadlang si Duterte, kaya hindi na ito matutuloy na sinang-ayunan din ng dalawang kumpanya.
258