NANAWAGAN ang pamunuan ng BBM Youth Advocate sa milyon-milyong tagasuporta ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer at presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, na manatiling matatag at higit pang palakasin ang hanay upang tuluyan nilang makamit ang tagumpay sa darating na halalan.
Maraming political expert ang nagsasabi na dahil sa laki ng kanyang kalamangan sa mga pre-election survey, malaki ang posibilidad na si BBM na ang magiging kauna-unahang majority president ng bansa sa ilalim ng multi-party system.
Ayon kay Harrold Toledana, director general ng BBM Youth Advocate, ngayong isang buwan na lang bago ang inaabangang May 9 elections, higit pa dapat na maging malawak, matatag at malakas ang pagsusulong para sa tambalang BBM-Sara UniTeam.
Sinabi ni Toledana na anuman ang nasimulan bago pa man magdeklara ng kanyang kandidatura si Marcos ng nakalipas na taon, mas dapat na maging malakas at maingay ito dahil sa kabi-kabilang paninira na ang ginagawa ng mga kalaban.
“Lahat ng fake news inilabas na ng mga kalaban. Mula disqualification case hanggang estate tax. Kahit ang mga anak ni BBM ay idinadamay na nila. Ganyan sila kasalbahe at kadesperada kaya panawagan ko sa mga kapwa ko volunteers at supporters, ipakita pa natin nang todo ang ating puwersa,” ani Toledana.
Ayon sa kanya, magsilbing gabay ng lahat ng Marcos supporters ang ipinahayag ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni BBM, na hindi dapat magpahinga hanggang makamit ang 70% preference survey hanggang manalo sa darating na May 9.
“Ang ginagawang pagpapakalat ng fake news ng mga dilawan na bumaba si BBM sa huling survey ng Pulse Asia survey ay hindi natin dapat paniwalaan at sa halip, magsilbi pa itong hamon sa ating lahat para i-challenge sila sa paramihan ng puwersa, lakas at suporta,” sabi pa ni Toledana.
Naniniwala ang BBM Youth leader na ngayong darating na Mayo ay maitatala rin ang kauna-unahang ‘majority president’ sa Pilipinas sa ilalim ng ‘multi-party system’ dahil ang pinaka-latest na 56% na nakuha ni Marcos sa Pulse Asia Survey ay katumbas ng 36.4 million votes mula sa 60 million registered voters sa bansa.
Samantalang si Robredo ay posibleng makakuha lamang ng 16 million mula sa karampot na 24% ratings na nakuha sa nakalipas na survey.
“Kaya pa nating pataasin si BBM. Sumali sa lahat ng caravan, campaign rally at kahit pag-like, pag-post at pag-share sa ating mga messaging,” sabi pa nito.
Ang official FB page aniya na dapat subaybayan ng milyong tagasuporta ay ang Bongbong Marcos at Uniteam BBM-Sara.
268