(NI BERNARD TAGUINOD)
NARARAPAT nang simulan na ng Kongreso ang pagtalakay sa panukalang batas para itaas ang sahod ng mga public school teachers kasama na ang pinakamababang empleyado ng gobyerno.
Ito ang hamon ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro sa kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang magkaroon aniya ng disenteng buhay ang mga public school teachers at karaniwang empleyado ng gobyerno.
“Simulan na nating pag-usapan, sa pinakakagyat na panahon, ang maraming panukala para sa salary increase,” ani Castro sa kanyang privilege speech nitong Martes ng hapon.
Ayon sa mambabatas, ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ang mga public school teachers sa mga mambabatas na naghain ng panukala para madagdagan na ang kanilang sahod kaya dapat aniyang simulant na itong talakayin.
Sinabi ni Castro na hindi makatarungan ang tinatanggap na sahod ngayon ng mga public school teachers lalo na ang mga teacher 1 dahil mahigit P20,000 lamang ito kada buwan.
Mas mataas na aniya ang entry-level ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na umaabot na sa P30,000 matapos itaas ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, nararapat lamang aniyang itaas na rin ang sahod ng mga public school teachers sa P30,000 (ang entry-level) habang P16,000 naman sa mga ordinaryong manggagawa sa gobyerno na ngayon ay sumasahod lang ng mahigit P10,000 kada buwan.
Subalit ayon sa lady solon, kapag binigyan aniya ng dagdag na sahod ang mga public school teachers ay tiyaking nakakabuhay ito lalo na’t pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin.
“Again, we stress the operative word “substantial”—Hindi mumo, hindi barya, kundi substantial, makatuwiran, at nakabubuhay na suweldo para sa ating mga guro, education support personnel, at iba pang mga kawani sa pamahalaan,” ani Castro.
224