SOLON, NAGBABALA SA NEGATIBONG EPEKTO NG PAGPAPALIBAN NG KLASE

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na posibleng magdulot ng mas matinding pinsala sa kinabukasan ng mga estudyante kung ipagpapaliban pa nang matagal ang pagbubukas ng klase ngayong school year 2020-2021.

Sinabi ni Gatchalian na dapat magpatuloy pa rin ang pag-aaral ng kabataan sa kabila ng krisis na dulot ng pandemya.

Ibinahagi ni Gatchalian ang isang ulat ng World Bank na pinamagatang “The COVID-19 Pandemic: Shocks to Education and Policy Responses,” kung saan binigyang-diin na mas nanganganib na mag drop-out ang mga nangangailangang mag-aaral o yung tinatawag na ‘vulnerable’ at ‘struggling’.

Batay pa sa ulat, ang mga humihinto sa pag-aaral kalaunan ay may malaking epekto sa kanilang kakayahang magkaroon ng maayos na hanapbuhay at kinabukasan.

Ibinabala ni Gatchalian kung humaba pa ang panahon na hindi papasok ang mga bata sa pampublikong paaralan, mapag-iiwanan sila ng mga ka-edad nilang mas nakaaangat sa buhay at nag-aaral sa mga pribadong eskwelahan.

Sa kabilang dako, nanindigan din si Gatchalian na ang panganib na dulot ng COVID-19 sa bawat rehiyon o ‘risk-based’ ang dapat maging basehan sa pagbubukas ng klase ngayong taon.

Binigyang-diin ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na bagama’t may mga probinsyang walang kaso ng COVID-19 at maaaring magsagawa ng physical o face-to-face classes, dapat panatilihin pa rin aniya ang minimum health standards tulad ng pagbabawal sa iba’t ibang uri ng pagtitipon upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, mga magulang at iba pang kawani ng paaralan.

“Kailangang alalahanin natin na layon ng pagpapatuloy ng edukasyon ay ang pag-angat natin sa kinabukasan ng ating mga kabataan, lalo na para sa mga nangangailangang mag-aaral,” diin pa ni Gatchalian. DANG SAMSON-GARCIA

162

Related posts

Leave a Comment