(NI BERNARD TAGUINOD)
BALIK-KONGRESO ang dalawa sa tatlong congressman na kasama sa narco list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso.
Kasama ring nagbabalik ang mga reelectionist na sina Leyte Rep. Vicente Veloso at Zambales Rep. Jeffrey Khonghun na kasama sa inilabas na narco list ni Duterte.
Hindi na tumakbo sa anumang posisyon ang ikatlong mambabatas na nasa listahan ni Duterte na si Pangasinan Rep. Jesus Celeste subalit natalo naman ang kanyang kapatid sa gubernatorial race sa kanilang lalawigan na si Arthur Celeste.
Pawang itinanggi ng mga nabanggit ang alegasyon laban sa kanila kung saan nagbanta si Veloso na magsasampa ng kaso laban sa mga nagsama sa kanyang pangalan sa nasabing listahan.
Base sa mga impormasyon, karamihan sa 46 pulitiko na nasa narco list ni Duterte ay pawang nagsipagpanalo noong nakaraang eleksyon kaya hiniling ng ilang mambabatas sa Kamara na sampahan pa rin ang mga ito ng kaso kung mayroong sapat na ebidensya.
“Government should file charges already especially if the evidence at hand is overwhelming. If proven guilty, then the national government should not think twice in booting them out of office,” ani House committee on dangerous drug chair Rep. Robert Ace Barbers.
Ayon naman kay Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong, kung seryoso ang gobyerno sa inilabas na listahan, dapat magsampa ang mga ito ng kaso upang mabigyan ng pagkakataon ng mga inakusahan na idepensa ang kanilang sarili sa korte.
162