NAKAALERTO na ang buong pulisya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ika-6 at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong Lunes, Hulyo 26, kung saan si P/Major General Vicente Danao Jr. ang overall security commander ng nasabing pagtitipon.
Simula pa noong isang taon, ang paghahanda para sa SONA 2021 ay naging kakaiba sa nakaraang mga taon bunga ng pandemya na nararanasan sa buong daigdig, kaya naman sa ilalim ng liderato ni P/M.Gen. Danao ay isang holistic and extensive na seguridad ang ipagkakaloob ng magigiting na kalalakihan at kababaihang mga pulis sa rehiyon.
Dahil sa iba’t ibang usapin na ipinupukol sa pamahalaan ay inaasahan na gagamitin ng mga militanteng grupo ang SONA upang magsagawa ng malawakang protesta.
Gayunman, bukod sa COVID-19, isang mas nakahahawang Delta variant nito ang natukoy sa Pilipinas na naghahasik ng lagim sa mga karatig bansa.
Dahil dito, mahalagang mas paigtingin pa ng pwersa ng pulisya ang public safety and security operations hindi lamang upang mapigilan ang mararahas na mga insidente kundi upang matiyak ang istriktong pagtugon sa health and safety protocols na itinakda ng IATF. (RENE CRISOSTOMO)
229 