Namahagi ng tulong ang OMF at Meralco Balagtas Business Center volunteers ng relief goods sa mga kabahayan ng mga residenteng apektado sa Barangay San Juan sa Balagtas, Bulacan dahil sa malakas na ulan dulot ng Habagat.
Nakaapekto ang matinding pag-ulan dulot ng habagat sa maraming komunidad sa bansa na nakaranas ng tuluy-tuloy na pag-ulan, pagbaha at high tide partikular sa ilang bahagi ng Bulacan, Cavite, Rizal at Marikina. Marami sa mga pamilya ang nahirapang lumabas ng kanilang mga tahanan at makakuha ng mga pangunahing pangangailangan dahil hindi na madaanan ang ilang pangunahing kalsada dahil sa mataas na tubig.
Sa gitna ng mga hamong ito, agad na naghatid ng tulong ang One Meralco Foundation (OMF), katuwang ang mga lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng pamamahagi ng relief packs sa mga komunidad na pinakaapektado ng pagbaha.
Nasa 2,500 pamilya sa mga bayan ng San Miguel, Balagtas, Calumpit at Hagonoy sa Bulacan; Lungsod ng Bacoor at bayan ng Tanza sa Cavite; at San Mateo sa Rizal at nabigyan ng tulong na isinagawa sa pakikipagtulungan ng OMF sa Meralco PowerGen Corporation (MGEN), mga Business Center ng Meralco, at CATropa, ang animal welfare program ng Meralco.
Katulong rin ng OMF ang mga lokal na pamahalaan katulad ng g Balagtas, Bulacan sa pangunguna ni Mayor Andy “Andrews” Santiago. Lumusong sa malalim na baha ang OMF at Meralco Balagtas Business Center para personal na maihatid ang mga food pack sa mga residenteng na-stranded sa Barangay San Juan.
“Maraming salamat po sa One Meralco Foundation sa inyong ipinagkaloob na relief goods para sa ating mga kababayan,” ani Mayor Santiago . “Malaking tulong po ito sa ating mga pamilyang nangangailangan. Maraming salamat po sa inyong malasakit at pakikiisa.”
Nakatanggap ng relief pack si Lilibeth Roberto, isa sa mga maliit na business owner na matinding naapektuhan dahil sa malakas na ulan at mataas na pagbaha sa Hagonoy, Bulacan
Sa Hagonoy, Bulacan, nagsagawa din ng relief operations ang OMF sa pangunguna ng community coordinator na si Gelvien Montalla, na humingi ng tulong sa foundation. Nabigyan ng agarang ayuda ang mga pamilyang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa malalim na pagbaha dahil sa mabilis na pagtugon ng OMF.
Ibinahagi ni Lilibeth Roberto, isang solo parent na nag-aalaga ng anak na may kapansanan, kung paano napahinto ng pagbaha ang operasyon ng kanyang maliit na karinderya. “Malaking bagay itong relief dahil wala akong kabuhayan ngayon,” ani Roberto. Nakatulong din ang relief operations sa mga evacuation site at mga frontliner.
Sa Bacoor City, Cavite, nagbigay ang OMF at Meralco Bacoor Business Center ng mga relief pack sa mga pamilyang lumikas mula sa mga Barangay Aniban 1, Aniban 2, at Ligas 1, pati na rin sa mga traffic enforcer ng lungsod na lubog na rin sa baha ang kani-kanilang mga tahanan. Nagbigay rin sila ng karagdagang suplay ng pagkain kay Bacoor City Mayor Strike B. Revilla para maipamahagi sa iba pang apektadong barangay.
Sa Tanza, Cavite, tinanggap ni Mayor Archangelo Matro ang relief packs mula sa OMF at Meralco Rosario Business Center na ipapamigay rin sa iba pang mga apektadong pamilya sa munisipalidad.
Samantala, nakipagtulungan naman ang OMF at Meralco Rosario Business Center sa lokal na pamahalaan ng Tanza, Cavite, sa pangunguna ni Mayor Archangelo Matro, upang mamahagi ng relief packs sa mga naapektuhang residente.
Namahagi rin ng relief packs ang OMF katuwang ang Meralco Bacoor Business Center at ang lokal na pamahalaan ng Bacoor sa mga apektadong residente na nakalagi sa evacuation center.
Sa Calumpit, Bulacan naman, nakibahagi si Vice Mayor Zacarias “Doc Zar” Candelaria kasama ang Meralco Malolos Business Center, Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at CATropa sa pagbibigay ng mga relief pack na may kasamang bigas para sa mga pamilyang apektado at mga suplay para sa kanilang mga alagang hayop.
Nakipagtulungan din ang mga PAWS volunteers sa pamamahagi ng OMF relief packs sa mga apektadong pamilya na may alagang hayop sa Calumpit, Bulacan.
Namahagi rin ng mga relief pack ang mga employee volunteer ng MGEN mula sa MTerra Solar at MGEN Renewables Bulacan Solar sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad sa San Miguel, Bulacan. Nakatanggap din ng mga relief pack mula sa OMF at Meralco Marikina Business Center ang mga residente ng Barangay Guinayang sa lungsod ng Marikina.
Nag-turnover din ang MGEN volunteers ng relief packs sa mga apektadong pamilya dulot ng Habagat sa San Miguel, Bulacan.
Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng OMF na naglalayong maghatid ng agarang tulong sa mga apektadong residente dulot ng kalamidad.
Ayon kay OMF President Jeffrey Tarayao, ngayong panahon ng kalamidad, ang kanilang responsibilidad ay higit pa sa pagpapanumbalik ng ilaw o kuryente kundi tungkol din ito sa pagpapanumbalik ng pag-asa. Dagdag pa niya na habang patuloy na naaapektuhan ng malalakas na pag-ulan at habagat ang buhay ng maraming sa ating mga kababayan, handa pa rin ang OMF na tuparin ang pangako nitong tumulong sa kapwa Pilipino.
78 




