‘BGC BOYS’, BONOAN ‘DI DAPAT MALIBRE SA PLUNDER CASE – LAWYER

KINUWESTYON ni Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Law Dean Atty. Jose Roy III ang hakbang ng Office of the Ombudsman na gawing state witness si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, sa halip na ituring siyang pangunahing akusado sa mga kasong may kaugnayan sa flood control projects.

Ayon kay Roy, hindi aandar ang kickback scheme kung walang direktang pakikilahok ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na may kontrol sa disenyo, bidding at pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan.

“Nakapagtataka kung bakit binibigyan ng Ombudsman ng immunity ang mga DPWH officials. Sa lahat ng mga kaso kaugnay sa flood control, ay bakit hindi nakakasuhan ang nasa DPWH?” paliwanag ni Roy.

Ipinunto niya na hawak ng DPWH ang pondo, gumagawa ng disenyo, nagpapatakbo ng bidding, pumipili ng mga kontratista, nag-aapruba ng mga proyekto at nag-uutos ng pagpapalabas ng bayad.

Ang pahayag ni Roy ay kasunod ng 2-1 desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division na pagbigyan ang hiling ng Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng P573-milyong kickback scheme sa flood control projects, upang magamit bilang state witness.

Gayunman, binigyang-diin ni Roy na hindi dapat gawing state witness ang isang opisyal kung siya ang lumalabas na pinaka-guilty o may pinakamalaking pananagutan sa mga akusado.

Aniya, ang mga mambabatas na inuugnay sa pagtanggap ng kickback ay hindi naghahanda ng mga dokumento ng proyekto o direktang kumokontrol sa administrasyon ng pondo, samantalang mga opisyal at tauhan ng DPWH ang may direktang papel sa pagpapatakbo ng sistema.

Nagbabala si Roy na ang pagbibigay ng immunity sa mga opisyal ng DPWH ay maaaring magpanatili sa maling sistemang matagal nang umiiral sa ahensya.

(TINA MENDOZA)

59

Related posts

Leave a Comment