ARESTADO ang isang babae na nagbebenta umano ng hindi awtorisadong Beep cards, sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Eastern District Anti-Cybercrime Team at Pasig City Police Station.
Sa isinagawang joint press conference ng PNP-Anti Cybercrime Group at Department of Transportation, nabatid na inaresto ang babaeng suspek sa Ortigas Center sa Pasig City noong Agosto 15.
Nakuha sa suspek ang 50 piraso ng Beep cards na ibinebenta sa iba’t ibang online platforms.
Kamakailan ay nagkaroon ng “shortage” o kakulangan sa supply ng Beep cards sa mga istasyon ng LRT1, LRT2 at MRT3 dahil pinasok na umano ito ng mga sindikato.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, pinapakyaw umano ng mga sindikato ang Beep cards sa vending machines at binebenta online sa halagang P300.
Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998, Consumer Act of the Philippines at Cybercrime Prevention Act of 2012.
(TOTO NABAJA)
