NAGPADALA ng sapat na puwersa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para magbigay ng seguridad sa Bangsamoro region (BARMM) bago pa ang first-ever parliamentary elections nito sa October 13.
Winika ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na ang bilang ng mga tropa na dineploy sa rehiyon ay sapat para maiwasan na lumabas na militarisado ang historical elections.
“Basically, yung tropa natin within the vicinity all on standby po ‘yan. But we have adequate personnel that we have already deployed. Hindi excessive para hindi naman maging militarized itong elections noh. Pero sufficient enough para ma-address ang legitimate security concerns in certain areas. Mix po yan ng regular forces natin at mga specialized units natin, depende sa na-identify natin na threat level ng specific areas,” ang sinabi ni Padilla sa Bagong Pilipinas Ngayon.
“Mayroon din po tayong mga quick reaction teams na mobile po, pwedeng-pwede i-deploy agad yan sa areas na biglaang mag-e-escalate ang tension if need be po,” aniya pa rin.
Sa ulat, nagdeklara ang Commission on Elections ng election period at gun ban sa BARMM mula August 14 hanggang October 28.
Ang tantiya ng poll body ay may 2.3 milyong katao ang boboto sa BARMM elections na may 73 seats na pag-aagawan.
At nang tanungin kung ano ang lugar sa rehiyon ang masusing mino-monitor para sa posibleng election-related violence, tumanggi naman si Padilla na tukuyin ang mga ito para sa operational security reasons.
Subalit sinabi ni Padilla na nakikipagtulungan at ugnayan ang AFP sa local peace committee at Moro Islamic Liberation Front upang masiguro ang kapayapaan hanggang Election Day.
“May mga areas po talaga na identified po natin as high-risk based po sa historical data at current threat assessments po natin. Hindi po pwede i-specify natin kung ano ito exactly ang mga locations na ito for of course, for operational security reasons. Assure po natin na may appropriate security measures po tayo na na-deploy na natin as of this time,” ani Padilla.
“We are working closely with the local peace committee, MILF leaders para ma-ensure natin na maging peaceful yung conduct ng elections sa areas na traditionally ay mayroon ding mga tensions,” aniya pa rin.
(CHRISTIAN DALE)
121 