BRONZE AWARD AT KADIWA NG PANGULO NG PASAY LGU

TARGET NI KA REX CAYANONG

NAGANAP noong Miyerkoles, Hunyo 26, 2024, ang isang mahalagang araw para sa Lungsod ng Pasay matapos igawad ang “Bronze Award” sa kanila sa Regional Human Resource Management Practitioners (HRMP) Congress na pinangasiwaan ng Civil Service Commission (CSC).

Ang pagkilalang ito, na ipinagkaloob sa pamamagitan ng CSC-National Capital Region (NCR) Resolution No. 2300870, ay isang patunay sa mataas na pamantayan ng kanilang human resource management system na alinsunod sa mahusay na sistema ng dokumentasyon sa ilalim ng Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management o (PRIME-HRM).

Ito ay resulta ng masusing paghahanda, dedikasyon, at pagsusumikap ng buong Pasay City Local Government. Tinanggap ni Atty. Maverick Sevilla, pinuno ng Pasay City Human Resource Management Development Office (HRMDO), ang parangal bilang kinatawan ng Ina ng Lungsod, Mayor Emi Calixto-Rubiano. Ang kanilang makataong pamamahala at walang sawang paglinang ng kakayahan ng kanilang mga empleyado ang naging susi upang mapabilang ang Pasay sa tatlong lungsod sa Kalakhang Maynila na tumanggap ng ganitong mataas na pagkilala.

Ang parangal na ito ay sumasalamin sa layunin ng Pasay na maging isang modelo ng kahusayan sa serbisyong pampubliko. Hindi ito nagtatapos sa pagkuha ng parangal kundi isang paalala na ang bawat hakbang ay dapat laging nakaayon sa pag-unlad at kabutihan ng bayan. Ang pagkilala ay isang inspirasyon hindi lamang sa mga empleyado ng gobyerno kundi pati na rin sa bawat mamamayan ng Pasay na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan at suporta sa kanilang lokal na pamahalaan.

Samantala, sa layunin ng pamahalaang lungsod na tugunan ang pangunahing mga pangangailangan ng mga Pasayeño, muling nagbukas ang Kadiwa ng Pangulo. Ang programang ito, sa Pasay City Hall nitong Biyernes, Hunyo 28, 2024 at sa Pasay City Astrodome sa Hulyo 2, 2024, ay pagkakataon sa mamamayan na makabili ng murang well-milled premium rice sa halagang P39/kilo at iba pang pangunahing bilihin tulad ng asukal, gulay, at prutas na mas mababa ang presyo kaysa mga palengke.

Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang makabuluhang inisyatibo na magbibigay ng kaginhawaan sa mga Pasayeño sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ito ay isang patunay ng pagtutulungan nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Mayor Emi Calixto-Rubiano, Cong. Tony Calixto, at ng lokal na pamahalaan ng Pasay upang magbigay ng abot-kayang mga pangangailangan para sa kanilang mamamayan.

Ang ganitong mga inisyatibo ay nagpapakita ng patuloy na pagsusumikap ng lungsod Pasay na makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo sa publiko. Ito ay isang hakbang patungo sa mas maunlad at masaganang kinabukasan para sa lahat.

Kaya tayo na’t sulitin ang murang mga bilihin at ipagdiwang ang tagumpay ng lungsod!

22

Related posts

Leave a Comment