Mariing kinukondena ng Bayan Muna ang utos na pagpapasara ng Department of Education sa Salugpungan Schools.
Ayon sa lider-lumad at kinatawan ng Bayan Muna Party-list na si Eufemia Cullamat, ito na ang pinakamatinding paglabag sa karapatan sa edukasyon ng mga kabataang lumad. Ano ngayon ang gagawin ng pamahalaan sa 3,500 na estudyante ng Salugpungan? Paano na ang mga guro at staff ng mga paaralan? Napakarami na ngang mga estudyante na hindi nakakapag-aral, lalo na ang mga lumad, ay ganito pa ang ginagawa sa mga paaralang itinayo pa mismo ng mga lumad para sa kanilang kabataan.
Mariing kinukondena ng Bayan Muna ang mapang-aping sistema ng DepEd, na mula sa pagsulsol ng militar. Lehitimo ang kagustuhan ng mga lumad na makapag-aral ang mga kapwa lumad, ayon sa kanilang kultura at sa sariling pagpapasya. Gayundin, makatwiran ang pakikibaka ng mga lumad para sa kanilang karapatan sa lupang ninuno, at ang kanilang paraan ng pamumuhay na nakabatay sa lupa at tradisyon. Ngunit ang tugon ng pamahalaan at ng berdugo nitong militar ay pasistang atake sa mga paaralan, pati na sa mga administrador, guro, at sa mga estudyante nito.
Hangad ng mga lumad ang hustisya, kapayapaan, at pag-alaga sa kalikasan, at dito nagmumula ang pagkakaisa ng mga lumad. Ngunit ang gobyerno at ang militar mismo ang nais bumuwag ng pagkakaisa ng mga lumadupang pahinain ang pagtanggi ng mga ito sa mga proyektong sisira sa kalikasan at magpapalayas sa mga lumad sa kanilang lupang ninuno. Inaatake ang mga lumad upang papasukin ang mga malalaking mina, plantasyon, logging, at iba pang proyekto upang pagkakitaan ng iilan.
Isara man ang mga paaralan, patuloy ang pakikibaka ng mga lumad para depensahan ang lupang ninuno, at para sa kinabukasan ng susunod na salinlahi. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
