MGA KAWING-KAWING NA USAPIN SA EDUKASYON

Psychtalk

(Ikaanim na bahagi)

“Ang boring namang magturo ni ma’am/sir!” ayon sa mga mag-aaral.

“Ang tamad ng mga mag-aaral ngayon, ni ayaw nang makinig, magsulat o magbasa nang mahaba,” sagot naman ng mga kaguruan.

Ipinapakita sa itaas na palitan ng komento ang isang sitwasyon o katangian ng interaksyon sa pagitan ng mga guro at mga mag-aaral.

Tinutukoy ko rito ang “generation gap.”

Ang mga mag-aaral ngayon ay mga nabibilang sa Generation Z o mga Digital Natives, mga batang pinanganak at pinalaki sa computer age. At ang mga guro nila ay nabibilang sa mga naunang henerasyon: Gen X mas malamang at baka may natitira pa galing sa Baby boomers. ‘Yung mga Generation Y, o millennials na bagong guro ay baka mas nakasasakay pa sa kanila.

Pareho namang may punto ang bawat panig kung ibabatay natin sa kung saan sila nanggagaling.

Ang mga karamihan ng mga guro ngayon ay natuto sa paraang mas kombensiyonal, iba ang lapit, at iba ang mga pananaw sa pag-aaral. Ang pag-aaral ay pinagsisikapan o pinagtitiyagaan: magbasa ng hardcopy na mga libro o makakapal na photocopied materials; at ang thesis ay manu-manong isinusulat sa pamamagitan ng typewriter o makinilya.

Sa mga naunang henerasyon, malinaw ang paniniwala na mainam na magsikap sa pag-aaral kasi sabi ng mga magulang, daan ito sa tagumpay; ito lang ang kaya nilang ipamana.

Bagama’t nasilayan na ng Gen X ang umpisa ng computer era sa Pilipinas ang layo na ng naabot ng mga pagbabago sa mga impormasyon at komunikasyon dahil dito.

Kaya’t dapat maunawaan na ang kasalukuyang he­nerasyon ng mag-aaral ay hinubog ng computer games, ng internet at computer apps na nagpadali na lahat sa kanila. ‘Di na nila gaanong napagtitiyagaan ang reading materials na napagtiisan natin noon.

Upang makonek ang gap sa classroom, may pag-angkop na dapat maganap sa bawat panig. Pero lalo na sa mga kaguruan. Tapos na ang panahon ng mahahabang lecture. Kailangan na ng mas buhay na interaksyon sa klase.

Bukod sa memorisasyon, mas kailangan ngayon ng mga bata ang maturuan sila ng kritikal na pang-unawa ng mga lesson na direktang nakakonek sa mga karanasan ng mga mag-aaral.  (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

85

Related posts

Leave a Comment