NABILAUKAN AKO SA PAHAYAG NI SEN. BATO DELA ROSA

RAPIDO NI TULFO

NABILAUKAN ako nang mabasa ko na balak daw paimbestigahan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang isiniwalat ng dating PCSO Manager na si Royina Garma ukol sa reward system sa bawat napapatay ng kapulisan sa kasagsagan ng drug war ng administrasyong Duterte.

Paanong pangungunahan ni Sen. Dela Rosa ang imbestigasyon samantalang idinawit nga siya ni Garma dito. Hindi naman kaya magiging katawa-tawa ito kung matutuloy?

Kahit pa pinamumunuan nito ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs at nangakong ipatatawag niya ang kanyang dating boss na si Pangulong Rodrigo Duterte kung kinakailangan, paano niya tatanungin ang dating pangulo kapag nagkataon?

Kung seryoso si Sen. Bato Dela Rosa dito, dapat mag-inhibit siya sa naturang pagdinig upang magkaroon ito ng kredibilidad.

Pero sinabi raw ni Sen. Bato, hindi raw siya mag-iinhibit dahil wala naman daw siyang alam sa sinabi ni Garma sa Kamara. Kaya siguro ang nickname ng senador ay Bato kasi matigas ang ulo nito.

Maganda naman ang suhestiyon ni Sen. Risa Hontiveros na Committee of the Whole na ang magsagawa ng pagdinig, para lahat ng senador ay makakasama dito. Kaya magandang abangan ang susunod na gagawin ng Senado.

18

Related posts

Leave a Comment